11. At sinabi ko sa inyo, na marami ang magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at magsisiupong kasama ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob, sa kaharian ng langit:
12. Datapuwa't ang mga anak ng kaharian ay pawang itatapon sa kadiliman sa labas: diyan na nga ang pagtangis at pagngangalit ng mga ngipin.
13. At sinabi ni Jesus sa senturion, Humayo ka ng iyong lakad; at ayon sa iyong pagsampalataya, ay gayon ang sa iyo'y mangyari. At gumaling ang kaniyang alila sa oras ding yaon.
14. At nang pumasok si Jesus sa bahay ni Pedro, ay nakita niya ang biyanang babae nito na nararatay dahil sa lagnat.
15. At hinipo ang kaniyang kamay, at inibsan siya ng lagnat; at siya'y nagbangon, at naglingkod sa kaniya.
16. At nang kinahapunan, ay dinala nila sa kaniya ang maraming inaalihan ng demonio: at pinalayas niya sa isang salita ang masasamang espiritu at pinagaling ang lahat ng mga may sakit:
17. Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi, Siya rin ang kumuha ng ating mga sakit, at nagdala ng ating mga karamdaman.
18. Nang makita nga ni Jesus ang lubhang maraming tao sa palibot niya, ay ipinagutos niyang tumawid sa kabilang ibayo.
19. At lumapit ang isang eskriba, at sa kaniya'y nagsabi, Guro, susunod ako sa iyo saan ka man pumaroon.
20. At sinabi sa kaniya ni Jesus, May mga lungga ang mga zorra, at may mga pugad ang mga ibon sa langit; datapuwa't ang Anak ng tao ay walang kahiligan ang kaniyang ulo.
21. At ang isa naman sa kaniyang mga alagad ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, tulutan mo muna akong makauwi at mailibing ko ang aking ama.