6. Datapuwa't pagkahating gabi ay may sumigaw, Narito, ang kasintahang lalake! Magsilabas kayo upang salubungin siya.
7. Nang magkagayo'y nagsipagbangong lahat ang mga dalagang yaon, at pinagigi ang kanilang mga ilawan.
8. At sinabi ng mga mangmang sa matatalino, Bigyan ninyo kami ng inyong langis; sapagka't nangamamatay ang aming mga ilawan.
9. Datapuwa't nagsisagot ang matatalino, na nangagsasabi, Baka sakaling hindi magkasiya sa amin at sa inyo: magsiparoon muna kayo sa nangagbibili, at magsibili kayo ng ganang inyo.
10. At samantalang sila'y nagsisiparoon sa pagbili, ay dumating ang kasintahang lalake; at ang mga nahahanda ay nagsipasok na kasama niya sa piging ng kasalan: at inilapat ang pintuan.
11. Pagkatapos ay nagsirating naman ang mga ibang dalaga, na nagsisipagsabi, Panginoon, Panginoon, buksan mo kami.
12. Datapuwa't sumagot siya at sinabi, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala.
13. Mangagpuyat nga kayo, sapagka't hindi ninyo nalalaman ang araw ni ang oras.
14. Sapagka't tulad sa isang tao, na nang paroroon sa ibang lupain, ay tinawag ang kaniyang sariling mga alipin, at ipinamahala sa kanila ang kaniyang mga pag-aari.
15. At ang isa'y binigyan niya ng limang talento, ang isa'y dalawa, at ang isa'y isa; sa bawa't isa'y ayon sa kanikaniyang kaya; at siya'y yumaon sa kaniyang paglalakbay.
16. Ang tumanggap ng limang talento pagdaka'y yumaon at ipinangalakal niya ang mga yaon, at siya'y nakinabang ng lima pang talento.
17. Sa gayon ding paraan ang tumanggap ng dalawa ay nakinabang ng ibang dalawa pa.
18. Datapuwa't ang tumanggap ng isa ay yumaon at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kaniyang panginoon.
19. Pagkatapos nga ng mahabang panahon, ay dumating ang panginoon ng mga aliping yaon, at nakipaghusay sa kanila.
20. At ang tumanggap ng limang talento ay lumapit at nagdala ng lima pang talento, na nagsasabi, Panginoon, binigyan mo ako ng limang talento: narito, ako'y nakinabang ng lima pang talento.