Mateo 24:7-19 Ang Biblia (TLAB)

7. Sapagka't magsisitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba't ibang dako.

8. Datapuwa't ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.

9. Kung magkagayo'y ibibigay kayo sa kapighatian, at kayo'y papatayin: at kayo'y kapopootan ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan.

10. At kung magkagayo'y maraming mangatitisod, at mangagkakanuluhan ang isa't isa, at mangagkakapootan ang isa't isa.

11. At magsisibangon ang maraming bulaang propeta, at kanilang ililigaw ang marami.

12. At dahil sa pagsagana ng katampalasanan, ang pagibig ng marami ay lalamig.

13. Datapuwa't ang magtitiis hanggang sa wakas ay siyang maliligtas.

14. At ipangangaral ang evangeliong ito ng kaharian sa buong sanglibutan sa pagpapatotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayo'y darating ang wakas.

15. Kaya nga pagkakita ninyo ng kasuklamsuklam na paninira, na sinalita sa pamamagitan ng propeta Daniel, na natatayo sa dakong banal (unawain ng bumabasa),

16. Kung magkagayo'y magsitakas sa mga bundok ang nangasa Judea:

17. Ang nasa bubungan ay huwag bumaba upang maglabas ng mga bagay sa loob ng kaniyang bahay:

18. At ang nasa bukid ay huwag magbalik upang kumuha ng kaniyang balabal.

19. Datapuwa't sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon!

Mateo 24