7. Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.
8. Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan.
9. Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.
10. At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11. Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan:
12. At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid.
13. Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.
14. Sapagka't marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang.
15. Nang magkagayo'y nagsialis ang mga Fariseo, at nangagsanggunian sila kung paano kayang mahuhuli nila siya sa kaniyang pananalita.
16. At sinugo nila sa kaniya ang kanilang mga alagad, na kasama ng mga Herodiano, na nagsisipagsabi, Guro, nalalaman naming ikaw ay totoo, at itinuturo mong may katotohanan ang daan ng Dios, at hindi ka nangingimi kanino man: sapagka't hindi ka nagtatangi ng tao.
17. Sabihin mo nga sa amin, Ano sa akala mo? Matuwid bagang bumuwis kay Cesar, o hindi?
18. Datapuwa't napagkikilala ni Jesus ang kanilang kasamaan, at sinabi sa kanila, Bakit ninyo ako tinutukso, kayong mga mapagpaimbabaw?