Mateo 21:13-29 Ang Biblia (TLAB)

13. At sinabi niya sa kanila, Nasusulat, Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan, datapuwa't ginagawa ninyong yungib ng mga tulisan.

14. At nagsilapit sa kaniya sa templo ang mga bulag at mga pilay, at sila'y kaniyang pinagaling.

15. Datapuwa't nang makita ng mga pangulong saserdote at ng mga eskriba ang mga katakatakang bagay na kaniyang ginawa, at ang mga batang nagsisigawan sa templo at nangagsasabi, Hosana sa Anak ni David; ay nangagalit sila,

16. At sinabi nila sa kaniya, Naririnig mo baga ang sinasabi ng mga ito? At sinabi sa kanila ni Jesus, Oo: kailan man baga'y hindi ninyo nabasa, Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo ay iyong nilubos ang pagpupuri?

17. At sila'y kaniyang iniwan, at pumaroon sa labas ng bayan sa Betania, at nakipanuluyan doon.

18. Pagka umaga nga nang siya'y bumabalik sa bayan, nagutom siya.

19. At pagkakita sa isang puno ng igos sa tabi ng daan, ay kaniyang nilapitan, at walang nasumpungang anoman doon, kundi mga dahon lamang; at sinabi niya rito, Mula ngayo'y huwag kang magbunga kailan man. At pagdaka'y natuyo ang puno ng igos.

20. At nang makita ito ng mga alagad, ay nangagtaka sila, na nangagsasabi, Ano't pagdaka'y natuyo ang puno ng igos?

21. At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Kung kayo'y may pananampalataya, at di mangagaalinlangan, hindi lamang mangagagawa ninyo ang nangyari sa puno ng igos, kundi maging sabihin ninyo sa bundok na ito, mapataas ka, at mapasugba ka sa dagat, ay mangyayari.

22. At lahat ng mga bagay na inyong hihingin sa panalangin, na may pananampalataya, ay inyong tatanggapin.

23. At pagpasok niya sa templo, ay nagsilapit sa kaniya ang mga pangulong saserdote at ang matatanda sa bayan, samantalang siya'y nagtuturo, at nangagsabi, Sa anong kapamahalaan ginagawa mo ang mga bagay na ito? at sino ang sa iyo'y nagbigay ng kapamahalaang ito?

24. At sumagot si Jesus at sa kanila'y sinabi, Tatanungin ko rin naman kayo ng isang tanong, na kung inyong sasabihin sa akin, ay sasabihin ko naman sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

25. Ang bautismo ni Juan, saan baga nagmula? sa langit o sa mga tao? At kanilang pinagkatuwiranan sa kanilang sarili, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Sa langit; sasabihin niya sa atin, Bakit nga hindi ninyo siya pinaniwalaan?

26. Datapuwa't kung sasabihin, Sa mga tao; nangatatakot tayo sa karamihan; sapagka't kinikilala ng lahat na propeta si Juan.

27. At sila'y nagsisagot kay Jesus, at sinabi, Hindi namin nalalaman. Kaniyang sinabi naman sa kanila, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

28. Datapuwa't ano sa akala ninyo? Isang taong may dalawang anak; at lumapit siya sa una, at sinabi, Anak, pumaroon at gumawa ka ngayon sa ubasan.

29. At sinagot niya at sinabi, Ayaw ko: datapuwa't nagsisi siya pagkatapos, at naparoon.

Mateo 21