10. At narito, may isang tao na tuyo ang isang kamay. At sa kaniya'y itinanong nila, na sinasabi, Matuwid bagang magpagaling sa araw ng sabbath? upang siya'y kanilang maisumbong.
11. At sinabi niya sa kanila, Sino kaya sa inyo, na kung mayroong isang tupa, na kung mahulog ito sa isang hukay sa araw ng sabbath, ay hindi baga niya aabutin, at hahanguin?
12. Gaano pa nga ang isang tao na may halaga kay sa isang tupa! Kaya't matuwid na gumawa ng mabuti sa araw ng sabbath.
13. Nang magkagayo'y sinabi niya sa lalake, Iunat mo ang iyong kamay. At iniunat niya; at napauling walang sakit, na gaya ng isa.
14. Datapuwa't nagsialis ang mga Fariseo, at nangagpulong laban sa kaniya, kung papaanong siya'y maipapupuksa nila.
15. At pagkahalata nito ni Jesus ay lumayo roon: at siya'y sinundan ng marami; at kaniyang pinagaling silang lahat,
16. At ipinagbilin niya sa kanila, na siya'y huwag nilang ihayag:
17. Upang matupad ang sinabi sa pamamagitan ng propeta Isaias, na nagsasabi,
18. Narito, ang lingkod ko na aking hinirang; At minamahal ko na kinalulugdan ng aking kaluluwa: Isasakaniya ko ang aking Espiritu, At ihahayag niya ang paghuhukom sa mga Gentil.
19. Hindi siya makikipagtalo, ni sisigaw; Ni maririnig man ng sinoman ang kaniyang tinig sa mga lansangan.
20. Hindi niya babaliin ang tambong gapok, At hindi papatayin ang timsim na umuusok, Hanggang sa papagtagumpayin ang paghuhukom.
21. At aasa sa kaniyang pangalan ang mga Gentil.
22. Nang magkagayo'y dinala sa kaniya ang isang inaalihan ng demonio, bulag at pipi, at kaniyang pinagaling, ano pa't ang pipi ay nagsalita at nakakita.
23. At ang buong karamihan ay nangagtaka, at nangagsabi, Ito kaya ang Anak ni David?
24. Datapuwa't nang marinig ito ng mga Fariseo, ay kanilang sinabi, Ang taong ito'y hindi nagpapalabas ng mga demonio, kundi sa pamamagitan ni Beelzebub na prinsipe ng mga demonio.
25. At pagkaalam niya ng mga iniisip nila, ay sinabi niya sa kanila, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay mawawasak; ang bawa't bayan o bahay na nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay hindi mananatili.
26. At kung pinalalabas ni Satanas si Satanas, siya nababahagi laban sa kaniyang sarili; papaano ngang mananatili ang kaniyang kaharian?
27. At kung sa pamamagitan ni Beelzebub ay nagpapalabas ako ng mga demonio, ang inyong mga anak sa kaninong pamamagitan sila'y pinalalabas? kaya nga sila ang inyong magiging mga hukom.
28. Nguni't kung sa pamamagitan ng Espiritu ng Dios nagpapalabas ako ng mga demonio, ay dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.