7. At samantalang ang mga ito'y nagsisiyaon ng kanilang lakad, ay nagpasimula si Jesus na magsalita sa mga karamihan tungkol kay Juan, Ano ang nilabas ninyo upang masdan sa ilang? isang tambo na inuuga ng hangin?
8. Datapuwa't ano ang nilabas ninyo upang makita? isang taong nararamtan ng mga damit na maseselan? Narito, ang mga nagsisipanamit ng maseselan ay nangasa mga bahay ng mga hari.
9. Datapuwa't ano ang nilabas ninyo? upang makita ang isang propeta? Oo, sinasabi ko sa inyo, at lalo pang higit kay sa isang propeta.
10. Ito yaong tungkol sa kaniya'y nasusulat, Narito, sinusugo ko ang aking sugo sa unahan ng iyong mukha, Na maghahanda ng iyong daan sa unahan mo.
11. Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Sa gitna ng mga ipinanganganak ng mga babae ay walang lumitaw na isang dakila kay sa kay Juan Bautista: gayon man ang lalong maliit sa kaharian ng langit ay lalong dakila kay sa kaniya.
12. At mula sa mga araw ni Juan Bautista hanggang ngayon, ang kaharian ng langit ay nagbabata ng karahasan, at kinukuha nang sapilitan ng mga taong mararahas.
13. Sapagka't ang lahat ng mga propeta at ang kautusan hanggang kay Juan ay nagsipanghula.
14. At kung ibig ninyong tanggapin, ay siya'y si Elias na paririto.
15. Ang may mga pakinig upang ipakinig, ay makinig.
16. Datapuwa't sa ano ko itutulad ang lahing ito? Tulad sa mga batang nangakaupo sa mga pamilihan, na sinisigawan ang kanilang mga kasama.
17. At sinasabi, Tinutugtugan namin kayo ng plauta, at hindi kayo nagsisisayaw; nagsipanambitan kami, at hindi kayo nangahapis.
18. Sapagka't naparito si Juan na hindi kumakain o umiinom man, at sinasabi nila, Siya'y mayroong demonio.