Marcos 9:25-37 Ang Biblia (TLAB)

25. At nang makita ni Jesus na dumaragsang tumatakbo ang karamihan, ay pinagwikaan niya ang karumaldumal na espiritu, na sinasabi sa kaniya, Ikaw bingi at piping espiritu, iniuutos ko sa iyo na lumabas ka sa kaniya, at huwag ka nang pumasok na muli sa kaniya.

26. At nang makapagsisisigaw, at nang siya'y mapangatal na mainam, ay lumabas siya: at ang bata'y naging anyong patay; ano pa't marami ang nagsabi, Siya'y patay.

27. Datapuwa't hinawakan siya ni Jesus sa kamay, at siya'y ibinangon; at siya'y nagtindig.

28. At nang pumasok siya sa bahay, ay tinanong siya ng lihim ng kaniyang mga alagad, Paano ito na siya'y hindi namin napalabas?

29. At sinabi niya sa kanila, Ang ganito ay hindi mapalalabas ng anoman, maliban sa pamamagitan ng panalangin.

30. At nagsialis sila roon, at nangagdaan sa Galilea; at ayaw siyang sinomang tao'y makaalam niyaon.

31. Sapagka't tinuruan niya ang kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Ibibigay ang Anak ng tao sa mga kamay ng mga tao, at siya'y papatayin nila; at pagkapatay sa kaniya, ay siyang magbabangong muli pagkaraan ng ikatlong araw.

32. Nguni't hindi nila naunawa ang sabing ito, at nangatakot silang magsipagtanong sa kaniya.

33. At sila'y nagsidating sa Capernaum: at nang siya'y nasa bahay na ay tinanong niya sila, Ano ang pinagkakatuwiranan ninyo sa daan?

34. Datapuwa't hindi sila nagsiimik: sapagka't sila-sila ay nangagtalo sa daan, kung sino ang pinakadakila.

35. At siya'y naupo, at tinawag ang labingdalawa; at sa kanila'y sinabi niya, Kung sinoman ang ibig na maging una, ay siyang mahuhuli sa lahat, at lingkod ng lahat.

36. At kinuha niya ang isang maliit na bata, at inilagay sa gitna nila: at siya'y kaniyang kinalong, na sa kanila'y sinabi niya,

37. Ang sinomang tumanggap sa isa sa mga ganitong maliliit na bata sa aking pangalan, ay ako ang tinatanggap: at ang sinomang tumanggap sa akin, ay hindi ako ang tinatanggap, kundi yaong sa aki'y nagsugo.

Marcos 9