Marcos 8:17-35 Ang Biblia (TLAB)

17. At pagkahalata nito ni Jesus ay sinabi sa kanila, Bakit nangagbubulaybulay kayo, sapagka't wala kayong tinapay? hindi pa baga ninyo napaghahalata, ni napaguunawa man? nangagmatigas na baga ang inyong puso?

18. Mayroon kayong mga mata, hindi baga kayo nangakakakita? at mayroon kayong mga tainga, hindi baga kayo nangakakarinig? at hindi baga ninyo nangaaalaala?

19. Nang aking pagputolputulin ang limang tinapay sa limang libong lalake, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang inyong binuhat? Sinabi nila sa kaniya, Labingdalawa.

20. At nang pagputolputulin ang pitong tinapay sa apat na libo, ilang bakol na puno ng mga pinagputolputol ang binuhat ninyo? At sinabi nila sa kaniya, Pito.

21. At sinabi niya sa kanila, Hindi pa baga ninyo napaguunawa?

22. At nagsidating sila sa Betsaida. At dinala nila sa kaniya ang isang lalaking bulag, at ipinamanhik sa kaniya na siya'y hipuin.

23. At hinawakan niya sa kamay ang lalaking bulag, at dinala niya sa labas ng nayon; at nang maluraan ang kaniyang mga mata, at maipatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya, ay kaniyang tinanong siya, Nakakakita ka baga ng anoman?

24. At siya'y tumingala, at nagsabi, Nakakakita ako ng mga tao; sapagka't namamasdan ko silang tulad sa mga punong kahoy, na nagsisilakad.

25. Saka ipinatong na muli sa kaniyang mga mata ang mga kamay niya; at siya'y tumitig, at gumaling, at nakita niyang maliwanag ang lahat ng mga bagay.

26. At pinauwi niya siya sa kaniyang tahanan, na sinasabi, Huwag kang pumasok kahit sa nayon.

27. At pumaroon si Jesus, at ang kaniyang mga alagad sa mga nayon ng Cesarea ni Filipo: at sa daan ay itinanong niya sa kaniyang mga alagad, na sinabi sa kanila, Ano baga ang sabi ng mga tao kung sino ako?

28. At sinaysay nila sa kaniya, na sinasabi, Si Juan Bautista; at ang mga iba, si Elias; datapuwa't ang mga iba, Isa sa mga propeta.

29. At tinanong niya sila, Datapuwa't ano ang sabi ninyo kung sino ako? Sumagot si Pedro at nagsabi sa kaniya, Ikaw ang Cristo.

30. At ipinagbilin niya sa kanila na huwag sabihin kanino man ang tungkol sa kaniya.

31. At siya'y nagpasimulang magturo sa kanila, na ang Anak ng tao ay kinakailangang magbata na maraming mga bagay, at itakuwil ng matatanda, at ng mga pangulong saserdote, at ng mga eskriba, at patayin, at pagkaraan ng tatlong araw ay muling magbangon.

32. At hayag na sinabi niya ang pananalitang ito. At isinama siya ni Pedro, at pinasimulang siya'y pagwikaan.

33. Datapuwa't paglingap niya sa palibot, at pagtingin sa kaniyang mga alagad, ay pinagwikaan si Pedro, at sinabi, Lumagay ka sa likuran ko, Satanas; sapagka't hindi mo pinagiisip ang mga bagay na ukol sa Dios, kundi ang mga bagay na ukol sa mga tao.

34. At pinalapit niya sa kaniya ang karamihan pati ng kaniyang mga alagad, at sa kanila'y sinabi, Kung ang sinomang tao ay ibig sumunod sa akin, ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.

35. Sapagka't ang sinomang magibig iligtas ang kaniyang buhay ay mawawalan nito: at ang sinomang mawalan ng kaniyang buhay dahil sa akin at sa evangelio ay maililigtas yaon.

Marcos 8