Marcos 5:15-29 Ang Biblia (TLAB)

15. At nagsiparoon sila kay Jesus, at nakita nila ang inalihan ng mga demonio na nakaupo, nakapanamit at matino ang kaniyang pagiisip, sa makatuwid baga'y siyang nagkaroon ng isang pulutong: at sila'y nangatakot.

16. At sinabi sa kanila ng nangakakita kung paanong pagkapangyari sa inalihan ng mga demonio, at tungkol sa mga baboy.

17. At sila'y nangagpasimulang magsipamanhik sa kaniya na siya'y umalis sa kanilang mga hangganan.

18. At habang lumululan siya sa daong, ay ipinamamanhik sa kaniya ng inalihan ng mga demonio na siya'y ipagsama niya.

19. At hindi niya itinulot sa kaniya, kundi sa kaniya'y sinabi, Umuwi ka sa iyong bahay sa iyong mga kaibigan, at sabihin mo sa kanila kung gaano kadakilang mga bagay ang ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong kinaawaan ka niya.

20. At siya'y yumaon ng kaniyang lakad, at nagpasimulang ihayag sa Decapolis kung gaanong kadakilang mga bagay ang sa kaniya'y ginawa ni Jesus: at nangagtaka ang lahat ng mga tao.

21. At nang si Jesus ay muling makatawid sa daong sa kabilang ibayo, ay nakipisan sa kaniya ang lubhang maraming tao; at siya'y nasa tabi ng dagat.

22. At lumapit ang isa sa mga pinuno sa sinagoga, na nagngangalang Jairo; at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa siya sa kaniyang paanan,

23. At ipinamamanhik na mainam sa kaniya, na sinasabi, Ang aking munting anak na babae ay naghihingalo: ipinamamanhik ko sa iyo, na ikaw ay pumaroon at ipatong mo ang iyong mga kamay sa kaniya, upang siya'y gumaling, at mabuhay.

24. At siya'y sumama sa kaniya; at sinundan siya ng lubhang maraming tao; at siya'y sinisiksik nila.

25. At isang babae na may labingdalawang taon nang inaagasan,

26. At siya'y napahirapan na ng maraming bagay ng mga manggagamot, at nagugol na niya ang lahat niyang tinatangkilik, at hindi gumaling ng kaunti man, kundi bagkus pang lumulubha siya,

27. Na pagkarinig niya ng mga bagay tungkol kay Jesus, ay lumapit siya sa karamihan, sa likuran niya, at hinipo ang kaniyang damit.

28. Sapagka't sinasabi niya, Kung mahipo ko man lamang ang kaniyang damit, ay gagaling ako.

29. At pagdaka'y naampat ang kaniyang agas; at kaniyang naramdaman sa kaniyang katawan na magaling na siya sa salot niya.

Marcos 5