6. At nagsilabas ang mga Fariseo, at pagdaka'y nakipagsanggunian sa mga Herodiano laban sa kaniya, kung paanong siya'y maipapupuksa nila.
7. At si Jesus na kasama ng kaniyang mga alagad ay lumigpit sa dagat: at nagsisunod sa kaniya ang lubhang karamihang taong mula sa Galilea; at mula sa Judea,
8. At mula sa Jerusalem, at mula sa Idumea, at mula sa dakong ibayo ng Jordan, at sa palibotlibot ng Tiro, at Sidon, na lubhang maraming tao, nang mabalitaan ang lubhang mga dakilang bagay na kaniyang ginagawa, ay nagsiparoon sa kaniya.
9. At sinabi niya sa kaniyang mga alagad, na ihanda sa kaniya ang isang maliit na daong dahil sa karamihan, baka siya'y kanilang siksikin:
10. Sapagka't siya'y nakapagpagaling sa marami; ano pa't sinisiksik siya ng lahat ng mga nasasalot upang siya'y mahipo nila.
11. At ang mga karumaldumal na espiritu, pagkakita sa kaniya, ay nangagpatirapa sa kaniyang harapan, at nangagsisisigaw, na nangagsasabi, Ikaw ang Anak ng Dios.
12. At ipinagbilin niya sa kanilang mahigpit na siya'y huwag nilang ihayag.
13. At siya'y umahon sa bundok, at tinawag niya ang balang kaniyang maibigan: at nagsilapit sila sa kaniya.
14. At naghalal siya ng labingdalawa, upang sila'y makisama sa kaniya, at upang sila'y suguin niyang magsipangaral,
15. At magkaroon ng kapamahalaang magpalayas ng mga demonio:
16. At si Simon ay kaniyang pinamagatang Pedro;
17. At si Santiago na anak ni Zebedeo, at si Juan na kapatid ni Santiago; at sila'y pinamagatan niyang Boanerges, na sa makatuwid baga'y mga Anak ng kulog:
18. At si Andres, at si Felipe, at si Bartolome, at si Mateo, at si Tomas, at si Santiago, na anak ni Alfeo, at si Tadeo, at si Simon ang Cananeo,
19. At si Judas Iscariote, na siya ring nagkanulo sa kaniya. At pumasok siya sa isang bahay.
20. At muling nagkatipon ang karamihan, ano pa't sila'y hindi man lamang makakain ng tinapay.
21. At nang mabalitaan yaon ng kaniyang mga kaibigan, ay nagsilabas sila upang siya'y hulihin: sapagka't kanilang sinabi, Sira ang kaniyang bait.
22. At sinabi ng mga eskriba na nagsibaba mula sa Jerusalem, Nasa kaniya si Beelzebub, at, Sa pamamagitan ng prinsipe ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.
23. At sila'y kaniyang pinalapit sa kaniya, at sinabi sa kanila sa mga talinghaga, Paanong mapalalabas ni Satanas si Satanas?