Marcos 14:41-59 Ang Biblia (TLAB)

41. At lumapit siyang bilang ikatlo, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: sukat na; dumating na ang oras; narito, ang Anak ng tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

42. Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.

43. At pagdaka, samantalang nagsasalita pa siya, ay dumating si Judas, na isa sa labingdalawa, at kasama niya ang isang karamihang may mga tabak at mga panghampas, na mula sa mga pangulong saserdote at sa mga eskriba at sa matatanda.

44. Ang nagkanulo nga sa kaniya ay nagbigay sa kanila ng isang hudyat, na sinasabi, Ang aking hagkan, ay yaon nga; hulihin ninyo siya, at dalhin ninyo siyang maingat.

45. At nang dumating siya, pagdaka'y lumapit siya sa kaniya, at nagsabi, Rabi; at siya'y hinagkan.

46. At siya'y sinunggaban nila, at siya'y kanilang dinakip.

47. Datapuwa't isa sa nangaroon ay nagbunot ng kaniyang tabak, at sinugatan ang alipin ng dakilang saserdote, at tinigpas ang kaniyang tainga.

48. At sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, Kayo baga'y nagsilabas, na parang laban sa isang tulisan, na may mga tabak at mga panghampas upang dakpin ako?

49. Araw-araw ay kasama ninyo ako sa templo, na nagtuturo at hindi ninyo ako hinuli: nguni't nangyari ito upang matupad ang mga kasulatan.

50. At iniwan siya ng lahat, at nagsitakas.

51. At sinundan siya ng isang binata, na nababalot ng isang kumot ang katawan niyang hubo't hubad: at hinawakan nila siya;

52. Datapuwa't kaniyang binitiwan ang kumot, at tumakas na hubo't hubad.

53. At dinala nila si Jesus sa dakilang saserdote: at nangagpipisan sa kaniya ang lahat ng mga pangulong saserdote at ang matatanda at ang mga eskriba.

54. At si Pedro ay sumunod sa kaniya sa malayo, hanggang sa loob ng looban ng dakilang saserdote; at nakiumpok siya sa mga punong kawal, at nagpapainit sa ningas ng apoy.

55. Ang mga pangulong saserdote nga at ang buong Sanedrin ay nagsisihanap ng patotoo laban kay Jesus upang siya'y ipapatay; at hindi nangasumpungan.

56. Sapagka't marami ang nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, at ang kanilang mga patotoo ay hindi nangagkatugma.

57. At nagsipagtindig ang ilan, at nagsisaksi ng kasinungalingan laban sa kaniya, na sinasabi,

58. Narinig naming sinabi niya, Aking igigiba ang templong ito na gawa ng mga kamay, at sa loob ng tatlong araw ay itatayo ko ang ibang hindi gawa ng mga kamay.

59. At kahit sa papagayon man ay hindi rin nangagkatugma ang patotoo nila.

Marcos 14