Lucas 9:34-41 Ang Biblia (TLAB)

34. At samantalang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ay dumating ang isang alapaap, at sila'y naliliman: at sila'y nangatakot nang sila'y mangapasok sa alapaap.

35. At may tinig na nanggaling sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang aking Anak, ang aking hirang: siya ang inyong pakinggan.

36. At nang dumating ang tinig, si Jesus ay nasumpungang nagiisa. At sila'y di nagsisiimik, at nang mga araw na yao'y hindi nila sinabi kanino mang tao ang alin man sa mga bagay na kanilang nakita.

37. At nangyari nang kinabukasan, nang pagbaba nila mula sa bundok, ay sinalubong siya ng lubhang maraming tao.

38. At narito, isang lalake sa karamihan, ay sumigaw na nagsasabi, Guro, ipinamamanhik ko sa iyo na iyong tingnan ang aking anak na lalake; sapagka't siya'y aking bugtong na anak;

39. At narito, inaalihan siya ng isang espiritu, at siya'y biglang nagsisigaw; at siya'y nililiglig, na pinabubula ang bibig, at bahagya nang siya'y hiwalayan, na siya'y totoong pinasasakitan.

40. At ipinamanhik ko sa iyong mga alagad na palabasin siya; at hindi nila magawa.

41. At sumagot si Jesus at nagsabi, Oh lahing walang pananampalataya at taksil, hanggang kailan makikisama ako sa inyo at magtitiis sa inyo? dalhin mo rito ang anak mo.

Lucas 9