13. At nang araw na, ay tinawag niya ang kaniyang mga alagad; at siya'y humirang ng labingdalawa sa kanila, na tinawag naman niyang mga apostol:
14. Si Simon, na tinawag naman niyang Pedro, at si Andres na kaniyang kapatid, at si Santiago at si Juan, at si Felipe at si Bartolome.
15. At si Mateo at si Tomas, at si Santiago anak ni Alfeo, at si Simon, na tinatawag na Masikap,
16. At si Judas na anak ni Santiago, at si Judas Iscariote na naging lilo;
17. At bumaba siya na kasama nila, at tumigil sa isang patag na dako, at ang lubhang marami sa mga alagad niya, at ang lubhang malaking bilang ng mga tao mula sa buong Judea at sa Jerusalem, at sa pangpangin ng dagat ng Tiro at Sidon, na nangagsidalo upang magsipakinig sa kaniya, at upang pagalingin sa kanilang mga sakit;
18. Ang mga pinahihirapan ng mga espiritung karumaldumal ay pinagagaling.
19. At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya'y mahipo; sapagka't lumalabas sa kaniya ang makapangyarihang bisa, at nagpapagaling sa lahat.
20. At itiningin niya ang kaniyang mga mata sa kaniyang mga alagad, at sinabi, Mapapalad kayong mga dukha: sapagka't inyo ang kaharian ng Dios.
21. Mapapalad kayong nangagugutom ngayon: sapagka't kayo'y bubusugin. Mapapalad kayong nagsisitangis ngayon: sapagka't kayo'y magsisitawa.
22. Mapapalad kayo kung kayo'y kapootan ng mga tao, at kung kayo'y ihiwalay nila, at kayo'y alimurahin, at itakuwil ang inyong pangalan na tila masasama, dahil sa Anak ng tao.