Lucas 4:9-21 Ang Biblia (TLAB)

9. At dinala niya siya sa Jerusalem, at inilagay siya sa taluktok ng templo, at sinabi sa kaniya, Kung ikaw ay Anak ng Dios, ay magpatihulog ka mula rito hanggang sa ibaba:

10. Sapagka't nasusulat, Siya'y magbibilin sa kaniyang mga anghel tungkol sa iyo, upang ikaw ay ingatan:

11. At, Aalalayan ka nila ng kanilang mga kamay, Baka matisod ka ng iyong paa sa isang bato.

12. At pagsagot ni Jesus ay sinabi sa kaniya, Nasasabi, Huwag mong tutuksuhin ang Panginoon mong Dios.

13. At nang matapos ng diablo ang lahat ng pagtukso, ay hiniwalayan siya niya ng ilang panahon.

14. At bumalik si Jesus sa Galilea sa kapangyarihan ng Espiritu: at kumalat ang kabantugan tungkol sa kaniya sa palibot ng buong lupain.

15. At nagtuturo siya sa mga sinagoga nila, na niluluwalhati ng lahat.

16. At siya'y napasa Nazaret na kaniyang nilakhan: at ayon sa kaniyang kaugalian, siya'y pumasok sa sinagoga nang araw ng sabbath, at nagtindig upang bumasa.

17. At ibinigay sa kaniya ang aklat ng propeta Isaias. At binuklat niya ang aklat, na nasumpungan niya ang dakong kinasusulatan,

18. Sumasa akin ang Espiritu ng Panginoon, Sapagka't ako'y pinahiran niya upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga dukha: Ako'y sinugo niya upang itanyag sa mga bihag ang pagkaligtas, At sa mga bulag ang pagkakita, Upang bigyan ng kalayaan ang nangaaapi,

19. Upang itanyag ang kaayaayang taon ng Panginoon.

20. At binalumbon niya ang aklat, at isinauli sa naglilingkod, at naupo: at ang mga mata ng lahat ng nangasa sinagoga ay nangakatitig sa kaniya.

21. At siya'y nagpasimulang magsabi sa kanila, Ngayo'y naganap ang kasulatang ito sa inyong mga pakinig.

Lucas 4