1. At si Jesus, na puspos ng Espiritu Santo ay bumalik mula sa Jordan at inihatid ng Espiritu sa ilang,
2. Sa loob ng apat na pung araw na tinutukso ng diablo. At hindi siya kumain ng anoman nang mga araw na yaon; at nang maganap ang mga yaon ay nagutom siya.
3. At sinabi sa kaniya ng diablo, Kung ikaw ang Anak ng Dios, ipag-utos mo na ang batong ito ay maging tinapay.
4. At sinagot siya ni Jesus, Nasusulat, Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao.
5. At iniakyat pa siya niya, at ipinakita sa kaniya sa sandaling panahon ang lahat ng mga kaharian sa sanglibutan.
6. At sinabi sa kaniya ng diablo, Sa iyo'y ibibigay ko ang lahat ng kapamahalaang ito, at ang kaluwalhatian nila: sapagka't ito'y naibigay na sa akin; at ibibigay ko kung kanino ko ibig.
7. Kaya nga kung sasamba ka sa harapan ko, ay magiging iyong lahat.