Lucas 21:15-28 Ang Biblia (TLAB)

15. Sapagka't bibigyan ko kayo ng isang bibig at karunungan, na hindi mangyayaring masalangsang o matutulan man ng lahat ninyong mga kaalit.

16. Datapuwa't kayo'y ibibigay ng kahit mga magulang, at mga kapatid, at mga kamaganak, at mga kaibigan; at ipapapatay nila ang iba sa inyo.

17. At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan.

18. At hindi mawawala kahit isang buhok ng inyong ulo.

19. Sa inyong pagtitiis ay maipagwawagi ninyo ang inyong mga kaluluwa.

20. Datapuwa't pagka nangakita ninyong nakukubkob ng mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo'y talastasin ninyo na ang kaniyang pagkawasak ay malapit na.

21. Kung magkagayo'y ang mga nasa Judea ay magsitakas sa mga bundok; at ang mga nasa loob ng bayan ay magsilabas; at ang mga nasa parang ay huwag magsipasok sa bayan.

22. Sapagka't ito ang mga araw ng paghihiganti, upang maganap ang lahat ng mga bagay na nangasusulat.

23. Sa aba ng mga nagdadalangtao, at ng mga nagpapasuso sa mga araw na yaon! sapagka't magkakaroon ng malaking kahapisan sa ibabaw ng lupa, at kagalitan sa bayang ito.

24. At sila'y mangabubuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, at dadalhing bihag sa lahat ng mga bansa: at yuyurakan ang Jerusalem ng mga Gentil, hanggang sa matupad ang mga panahon ng mga Gentil.

25. At magkakaroon ng mga tanda sa araw at buwan at mga bituin; at sa lupa'y magkakaroon ng kasalatan sa mga bansa, na matitilihan dahil sa ugong ng dagat at mga daluyong;

26. Magsisipanglupaypay ang mga tao dahil sa takot, at dahil sa paghihintay ng mga bagay na darating sa ibabaw ng sanglibutan: sapagka't mangangatal ang mga kapangyarihan sa mga langit.

27. At kung magkagayo'y makikita nila ang Anak ng tao na pariritong nasa isang alapaap na may kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian.

28. Datapuwa't kung magpasimulang mangyari ang mga bagay na ito, ay magsitingin kayo, at itaas ninyo ang inyong mga ulo; sapagka't malapit na ang pagkatubos ninyo.

Lucas 21