Lucas 20:4-15 Ang Biblia (TLAB)

4. Ang bautismo ni Juan, ay mula baga sa langit, o sa mga tao?

5. At sila'y nangagkatuwiranan, na nangagsasabi, Kung sabihin natin, Mula sa langit; ay sasabihin niya, Bakit hindi ninyo siya pinaniwalaan?

6. Datapuwa't kung sabihin natin, Mula sa mga tao; ay babatuhin tayo ng buong bayan, sapagka't sila'y nanganiniwala na si Juan ay propeta.

7. At sila'y nagsisagot, na hindi nila nalalaman kung saan mula.

8. At sinabi sa kanila ni Jesus, Hindi ko rin naman sasabihin sa inyo kung sa anong kapamahalaan ginagawa ko ang mga bagay na ito.

9. At siya'y nagpasimulang magsabi sa bayan ng talinghagang ito: Nagtanim ang isang tao ng isang ubasan, at ipinagkatiwala sa mga magsasaka, at napasa ibang lupain na mahabang panahon.

10. At sa kapanahunan ay nagsugo siya ng isang alipin sa mga magsasaka, upang siya'y bigyan ng bunga ng ubas: datapuwa't hinampas siya ng mga magsasaka, at pinauwing walang dala.

11. At nagsugo pa siya ng ibang alipin: at ito nama'y kanilang hinampas, at inalimura, at pinauwing walang dala.

12. At nagsugo pa siya ng ikatlo: at kanila ring sinugatan ito, at pinalayas.

13. At sinabi ng panginoon ng ubasan, Anong gagawin ko? aking susuguin ang minamahal kong anak; marahil siya'y igagalang nila.

14. Datapuwa't nang makita siya ng mga magsasaka, ay nangagsangusapan sila, na sinasabi, Ito ang tagapagmana; atin siyang patayin upang ang mana ay maging atin.

15. At itinaboy nila siya sa ubasan, at pinatay siya. Ano nga kaya ang gagawin sa kanila ng panginoon ng ubasan?

Lucas 20