Lucas 19:35-48 Ang Biblia (TLAB)

35. At dinala nila siya kay Jesus: at inilagay nila ang kanilang mga damit sa ibabaw ng batang asno, at isinakay nila si Jesus sa ibabaw noon.

36. At samantalang siya'y lumalakad, ay inilalatag nila ang kanilang mga damit sa daan.

37. At nang nalalapit siya sa libis ng bundok ng mga Olivo, ang buong karamihan ng mga alagad ay nangagpasimulang mangagkatuwa at mangagpuri sa Dios ng malakas na tinig dahil sa lahat ng mga gawang makapangyarihan na kanilang mangakita.

38. Na sinasabi, Mapalad ang Hari na pumaparito sa pangalan ng Panginoon: kapayapaan sa langit, at kaluwalhatian sa kataastaasan.

39. At ilan sa mga Fariseo na mula sa karamihan ay nangagsabi sa kaniya, Guro, sawayin mo ang iyong mga alagad.

40. At sumagot siya at nagsabi, Sinasabi ko sa inyo na kung hindi mangagsiimik ang mga ito, ang mga bato'y sisigaw.

41. At nang malapit na siya, nakita niya ang bayan, at ito'y kaniyang tinangisan,

42. Na sinasabi, Kung sa araw na ito ay nakilala mo sana, sa iyong sarili, ang mga bagay na nauukol sa iyong kapayapaan! datapuwa't ngayo'y pawang nangatatago sa iyong mga mata.

43. Sapagka't darating sa iyo ang mga araw, na babakuran ka ng kuta ng mga kaaway mo, at kukubkubin ka, at gigipitin ka sa magkabikabila,

44. At ilulugso ka sa lupa, at ang mga anak mo na nasa loob mo; at sa iyo'y hindi sila magiiwan ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato; sapagka't hindi mo nakilala ang panahon ng sa iyo'y pagdalaw.

45. At pumasok siya sa templo, at pinasimulang itaboy sa labas ang mga nangagbibili,

46. Na sinasabi sa kanila, Nasusulat nga, At ang aking bahay ay magiging bahay-panalanginan: datapuwa't ginawa ninyong yungib ng mga tulisan.

47. At nagtuturo siya arawaraw sa templo. Datapuwa't ang mga pangulong saserdote, at ang mga eskriba, at ang mga taong pangunahin sa bayan ay nangagsisikap na siya'y patayin:

48. At di nila masumpungan kung ano ang kanilang magagawa; sapagka't natitigilan ang buong bayan sa pakikinig sa kaniya.

Lucas 19