4. O yaong labingwalo, na nalagpakan ng moog sa Siloe, at nangamatay, ay inaakala baga ninyo na sila'y lalong salarin kay sa lahat ng taong nangananahan sa Jerusalem?
5. Sinasabi ko sa inyo, Hindi: datapuwa't, malibang kayo'y mangagsisi, ay mangamamatay kayong lahat sa gayon ding paraan.
6. At sinalita niya ang talinghagang ito, Isang tao ay may isang puno ng igos na natatanim sa kaniyang ubasan; at siya'y naparoong humahanap ng bunga niyaon, at walang nasumpungan.
7. At sinabi niya sa nagaalaga ng ubasan, Narito, tatlong taon nang pumaparito akong humahanap ng bunga sa puno ng igos na ito, at wala akong masumpungan: putulin mo; bakit pa makasisikip sa lupa?
8. At pagsagot niya'y sinabi sa kaniya, Panginoon, pabayaan mo muna sa taong ito, hanggang sa aking mahukayan sa palibot, at malagyan ng pataba:
9. At kung pagkatapos ay magbunga, ay mabuti; datapuwa't kung hindi, ay puputulin mo.
10. At siya'y nagtuturo sa mga sinagoga nang araw ng sabbath.
11. At narito, ang isang babae na may espiritu ng sakit na may labingwalong taon na; at totoong baluktot at hindi makaunat sa anomang paraan.
12. At nang siya'y makita ni Jesus, ay kaniyang tinawag siya, at sinabi niya sa kaniya, Babae, kalag ka na sa iyong sakit.
13. At ipinatong niya ang kaniyang mga kamay sa kaniya: at pagdaka siya'y naunat, at niluwalhati niya ang Dios.
14. At ang pinuno sa sinagoga, dala ng kagalitan, sapagka't si Jesus ay nagpagaling nang sabbath, ay sumagot at sinabi sa karamihan, May anim na araw na ang mga tao'y dapat na magsigawa: kaya sa mga araw na iyan ay magsiparito kayo, at kayo'y pagagalingin, at huwag sa araw ng sabbath.
15. Datapuwa't sinagot siya ng Panginoon, at sinabi, Kayong mga mapagpaimbabaw, hindi baga kinakalagan ng bawa't isa sa inyo sa sabbath ang kaniyang bakang lalake o ang kaniyang asno sa sabsaban, at ito'y inilalabas upang painumin?