Lucas 13:20-35 Ang Biblia (TLAB)

20. At muling sinabi niya, Sa ano ko itutulad ang kaharian ng Dios?

21. Tulad sa lebadura na kinuha ng isang babae, at itinago sa tatlong takal na harina, hanggang sa ito'y nalebadurahang lahat.

22. At siya'y yumaon sa kaniyang lakad sa mga bayan at mga nayon, na nagtuturo, at naglalakbay na tungo sa Jerusalem.

23. At may isang nagsabi sa kaniya, Panginoon, kakaunti baga ang mangaliligtas? At sinabi niya sa kanila,

24. Magpilit kayong magsipasok sa pintuang makipot: sapagka't sinasabi ko sa inyo na marami ang mangagsisikap na pumasok, at hindi mangyayari.

25. Kung makatindig na ang puno ng sangbahayan, at mailapat na ang pinto, at magpasimula kayong mangagsitayo sa labas, at mangagsituktok sa pintuan, na mangagsasabi, Panginoon, buksan mo kami; at siya'y sasagot at sasabihin sa inyo, Hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan;

26. Kung magkagayo'y pasisimulan ninyong sabihin, Nagsikain kami at nagsiinom sa harap mo, at nagturo ka sa aming mga lansangan;

27. At sasabihin niya, Sinasabi ko sa inyo na hindi ko kayo nangakikilala kung kayo'y taga saan; magsilayo kayo sa akin, kayong lahat na manggagawa ng kalikuan.

28. Diyan na nga ang pagtangis, at ang pagngangalit ng mga ngipin, kung mangakita ninyo si Abraham, at si Isaac, at si Jacob, at ang lahat ng mga propeta sa kaharian ng Dios, at kayo'y palabasin.

29. At sila'y magsisipanggaling sa silanganan at sa kalunuran, at sa timugan at sa hilagaan, at magsisiupo sa kaharian ng Dios.

30. At narito, may mga huling magiging una at may mga unang magiging huli.

31. Nagsidating nang oras ding yaon ang ilang Fariseo, na nangagsasabi sa kaniya, Lumabas ka, at humayo ka rito: sapagka't ibig kang patayin ni Herodes.

32. At sinabi niya sa kanila, Magsiparoon kayo, at inyong sabihin sa sorrang yaon, Narito, nagpapalabas ako ng mga demonio at nagpapagaling ngayon at bukas, at ako'y magiging sakdal sa ikatlong araw.

33. Gayon ma'y kailangang ako'y yumaon sa aking lakad ngayon at bukas at sa makalawa: sapagka't hindi mangyayari na ang isang propeta ay mamatay sa labas ng Jerusalem.

34. Oh Jerusalem, Jerusalem, na pumapatay sa mga propeta, at bumabato sa mga sinugo sa kaniya! Makailang inibig kong tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kaniyang sariling mga sisiw sa ilalim ng kaniyang mga pakpak, at ayaw kayo!

35. Narito, sa inyo'y iniwang walang anoman ang inyong bahay: at sinasabi ko sa inyo, Hindi ninyo ako makikita, hanggang sa inyong sabihin, Mapalad ang pumaparito sa pangalan ng Panginoon.

Lucas 13