Lucas 12:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. Samantalang nangagkakatipon ang libolibong tao, na ano pa't nagkakayapakan silasila, ay nagpasimula siyang magsalita muna sa kaniyang mga alagad, Mangagingat kayo sa lebadura ng mga Fariseo, na ito'y pagpapaimbabaw nga.

2. Datapuwa't walang bagay na natatakpan, na hindi mahahayag: at natatago, na hindi malalaman.

3. Kaya nga, ang anomang sinabi ninyo sa kadiliman ay maririnig sa kaliwanagan, at ang sinalita ninyo sa bulong sa mga silid, ay ipagsisigawan sa mga bubungan.

4. At sinasabi ko sa inyo mga kaibigan ko, Huwag kayong mangatakot sa mga pumapatay ng katawan, na pagkatapos niyan ay wala na silang magagawa.

5. Datapuwa't ipinagpapauna ko sa inyo kung sino ang inyong katatakutan: Katakutan ninyo yaong pagkatapos na pumatay, ay may kapangyarihang magbulid sa impierno; tunay, sinasabi ko sa inyo, Siya ninyong katakutan.

6. Hindi baga ipinagbibili ang limang maya sa dalawang beles? at isa man sa kanila ay hindi nalilimutan sa paningin ng Dios.

7. Datapuwa't maging ang mga buhok ng inyong ulo ay pawang bilang na lahat. Huwag kayong mangatakot: kayo'y lalong mahalaga kay sa maraming maya.

8. At sinasabi ko sa inyo, Ang bawa't kumikilala sa akin sa harap ng mga tao, ay kikilalanin naman siya ng Anak ng tao sa harap ng mga anghel ng Dios:

9. Datapuwa't ang magkaila sa akin sa harap ng mga tao, ay ikakaila sa harap ng mga anghel ng Dios.

10. Ang bawa't magsalita ng salitang laban sa Anak ng tao ay patatawarin: nguni't ang magsalita ng kapusungan laban sa Espiritu Santo ay hindi patatawarin.

11. At pagka kayo'y dadalhin sa harap ng mga sinagoga, at sa mga pinuno, at sa mga may kapamahalaan, ay huwag kayong mangabalisa kung paano o ano ang inyong isasagot, o kung ano ang inyong sasabihin:

12. Sapagka't ituturo sa inyo ng Espiritu Santo sa oras ding yaon ang inyong dapat sabihin.

Lucas 12