Lucas 11:27-40 Ang Biblia (TLAB)

27. At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo'y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.

28. Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap.

29. At nang ang mga karamihan ay nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito'y isang masamang lahi: siya'y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas.

30. Sapagka't kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito.

31. Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila'y hahatulan: sapagka't siya'y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.

32. Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.

33. Walang taong pagkapagpaningas niya ng isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw.

34. Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa't kung ito'y may sakit, ang katawan mo nama'y puspos ng kadiliman.

35. Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman.

36. Kaya nga, kung ang buong katawan mo ay puspos ng liwanag, na walang anomang bahaging madilim, ito'y lubos na mapupuspos ng liwanag, na gaya ng pagliliwanag sa iyo ng ilawang may liwanag na maningning.

37. Samantala ngang siya'y nagsasalita, ay inanyayahan siya ng isang Fariseo na kumaing kasalo niya: at siya'y pumasok, at naupo sa dulang.

38. At nang makita ito ng Fariseo, ay nagtaka na siya'y hindi muna naghugas bago mananghali.

39. At sinabi sa kaniya ng Panginoon, Gayon nga kayong mga Fariseo na nililinis ninyo ang dakong labas ng saro at ng pinggan; datapuwa't ang loob ninyo'y puno ng panglulupig at kasamaan.

40. Kayong mga haling, di baga ang gumawa ng dakong labas ay siya ring gumawa ng dakong loob?

Lucas 11