Lucas 11:23-35 Ang Biblia (TLAB)

23. Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.

24. Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko.

25. At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan.

26. Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una.

27. At nangyari, na nang sinasabi niya ang mga bagay na ito, ang isang babaing mula sa karamihan ay naglakas ng kaniyang tinig at sinabi sa kaniya, Mapalad ang tiyang sa iyo'y nagdala, at ang mga dibdib na iyong sinusuhan.

28. Datapuwa't sinabi niya, Oo, bagkus na lalong mapapalad ang nangakikinig ng salita ng Dios, at ito'y ginaganap.

29. At nang ang mga karamihan ay nangagkakatipon sa kaniya, ay nagpasimula siyang magsabi, Ang lahing ito'y isang masamang lahi: siya'y humahanap ng isang tanda; at hindi siya bibigyan ng anomang tanda kundi ng tanda ni Jonas.

30. Sapagka't kung paanong si Jonas ay naging tanda sa mga Ninivita, ay gayon din naman ang Anak ng tao sa lahing ito.

31. Magbabangon sa paghuhukom ang reina ng timugan na kasama ng mga tao ng lahing ito, at sila'y hahatulan: sapagka't siya'y naparitong galing sa mga wakas ng lupa, upang pakinggan ang karunungan ni Salomon; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Salomon.

32. Magsisitayo sa paghuhukom ang mga tao sa Ninive na kasama ng lahing ito, at ito'y hahatulan: sapagka't sila'y nagsipagsisi sa pangangaral ni Jonas; at narito, dito'y may isang lalong dakila kay sa kay Jonas.

33. Walang taong pagkapagpaningas niya ng isang ilawan, ay ilalagay sa isang dakong tago, ni sa ilalim man ng takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw, upang ang nagsisipasok ay makita ang ilaw.

34. Ang ilawan ng katawan mo ay ang iyong mata: kung magaling ang iyong mata, ang buong katawan mo naman ay puspos ng liwanag; datapuwa't kung ito'y may sakit, ang katawan mo nama'y puspos ng kadiliman.

35. Masdan mo nga kung ang ilaw na nasa iyo ay baka kadiliman.

Lucas 11