Lucas 11:10-26 Ang Biblia (TLAB)

10. Sapagka't ang bawa't humihingi ay tumatanggap; at ang humahanap ay nakasusumpong; at ang tumutuktok ay binubuksan.

11. At aling ama sa inyo, na kung humingi ang kaniyang anak ng isang tinapay, ay bibigyan niya siya ng isang bato? o ng isang isda kaya, at hindi isda ang ibibigay, kundi isang ahas?

12. O kung siya'y humingi ng itlog, kaniyang bibigyan kaya siya ng alakdan?

13. Kung kayo nga, bagaman masasama, ay marurunong mangagbigay ng mabubuting kaloob sa inyong mga anak, gaano pa kaya ang inyong Ama sa kalangitan na magbibigay ng Espiritu Santo sa nagsisihingi sa kaniya?

14. At nagpalabas siya ng isang demoniong pipi. At nangyari, nang makalabas na ang demonio, ang pipi ay nangusap; at nangagtaka ang mga karamihan.

15. Datapuwa't sinabi ng ilan sa kanila, Sa pamamagitan ni Beelzebub, na pangulo ng mga demonio ay nagpapalabas siya ng mga demonio.

16. At ang mga iba sa pagtukso sa kaniya'y hinanapan siya ng isang tanda na mula sa langit.

17. Datapuwa't siya, na nakatataho ng mga pagiisip nila, sa kanila'y sinabi, Ang bawa't kahariang nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili ay magkakawatakwatak; at ang sangbahayan na nagkakabahabahagi laban sa sangbahayan ay nagigiba.

18. At kung si Satanas naman ay nagkakabahabahagi laban sa kaniyang sarili, paanong mananatili ang kaniyang kaharian? sapagka't sinasabi ninyong sa pamamagitan ni Beelzebub nagpapalabas ako ng mga demonio.

19. At kung nagpapalabas ako ng mga demonio sa pamamagitan ni Beelzebub, sa pamamagitan nino sila pinalalabas ng inyong mga anak? kaya nga, sila ang inyong magiging mga hukom.

20. Nguni't kung sa pamamagitan ng daliri ng Dios ay nagpapalabas ako ng mga demonio, dumating nga sa inyo ang kaharian ng Dios.

21. Pagka ang lalaking malakas na nasasandatahang lubos ay nagbabantay sa kaniyang sariling looban, ang kaniyang mga pag-aari ay wala sa panganib.

22. Datapuwa't kung siya'y datnan ng ibang lalong malakas kay sa kaniya, at siya'y matalo, ay kukunin nito sa kaniya ang lahat ng kaniyang sandata na kaniyang inaasahan, at ipamamahagi ang mga nasamsam sa kaniya.

23. Ang hindi sumasa akin ay laban sa akin; at ang hindi nagiimpok na kasama ko ay nagsasambulat.

24. Pagka ang karumaldumal na espiritu ay lumabas sa isang tao, ay lumalakad sa mga dakong walang tubig, na humahanap ng kapahingahan, at pagka hindi makasumpong, ay sinasabing, Babalik ako sa aking bahay na nilabasan ko.

25. At pagdating niya ay nasusumpungang walis na at nagagayakan.

26. Kung magkagayo'y yumayaon siya, at nagsasama ng pito pang espiritu na lalong masasama pa kay sa kaniya; at sila'y nagsisipasok at nagsisitahan doon: at nagiging lalo pang masama ang huling kalagayan ng taong yaon kay sa una.

Lucas 11