4. Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan.
5. At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito.
6. At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa'y mananatili sa kaniya: datapuwa't kung wala, ay babalik ito sa inyong muli.
7. At magsipanatili kayo sa bahay ding yaon, na kanin at inumin ninyo ang mga bagay na kanilang ibigay: sapagka't ang manggagawa ay marapat sa kaniyang kaupahan. Huwag kayong mangagpalipatlipat sa bahaybahay.
8. At sa alin mang bayan na iyong pasukin, at kayo'y kanilang tanggapin, ay kanin ninyo ang mga bagay na ihain sa inyo:
9. At pagalingin ninyo ang mga maysakit na nangaroon, at sabihin ninyo sa kanila, Lumapit na sa inyo ang kaharian ng Dios.
10. Datapuwa't sa alin mang bayan na inyong pasukin, at hindi kayo tanggapin, magsilabas kayo sa kanilang mga lansangan at inyong sabihin,
11. Pati ng alabok ng inyong bayan na kumakapit sa aming paa, ay ipinapagpag namin laban sa inyo: gayon ma'y inyong talastasin ito, na lumapit na ang kaharian ng Dios.
12. Sinasabi ko sa inyo, Sa araw na yaon ay higit na mapagpapaumanhinan ang Sodoma kay sa bayang yaon.
13. Sa aba mo, Corazin! sa aba mo, Betsaida! sapagka't kung sa Tiro at sa Sidon sana ginawa ang mga gawang makapangyarihang ginawa sa inyo, ay maluwat na dising nangagsisi, na nangauupong may kayong magaspang at abo.
14. Datapuwa't sa paghuhukom, higit na mapagpapaumanhinan ang Tiro at Sidon, kay sa inyo.
15. At ikaw, Capernaum, magpapakataas ka hanggang sa langit? ikaw ay ibaba hanggang sa Hades.
16. Ang nakikinig sa inyo, ay sa akin nakikinig; at ang nagtatakuwil sa inyo ay ako ang itinatakuwil; at ang nagtatakuwil sa akin ay itinatakuwil ang sa aki'y nagsugo.
17. At nagsipagbalik ang pitongpu na may kagalakan, na nangagsasabi, Panginoon, pati ang mga demonio ay nagsisisuko sa amin sa iyong pangalan.
18. At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik, mula sa langit.
19. Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa'y hindi kayo maaano.