Lucas 10:18-34 Ang Biblia (TLAB)

18. At sinabi niya sa kanila, Nakita ko si Satanas, na nahuhulog na gaya ng lintik, mula sa langit.

19. Narito, binigyan ko kayo ng kapamahalaan na inyong yurakan ang mga ahas at ang mga alakdan, at sa ibabaw ng lahat ng kapangyarihan ng kaaway: at sa anomang paraa'y hindi kayo maaano.

20. Gayon ma'y huwag ninyong ikagalak ito, na ang mga espiritu ay nagsisisuko sa inyo; kundi inyong ikagalak na nangasusulat ang inyong mga pangalan sa langit.

21. Nang oras ding yaon siya'y nagalak sa Espiritu Santo, at sinabi, Ako'y nagpapasalamat sa iyo, Oh Ama, Panginoon ng langit at lupa, na iyong inilihim ang mga bagay na ito sa mga pantas at matatalino, at ipinahayag mo sa mga sanggol: gayon nga, Ama; sapagka't gayon ang nakalulugod sa iyong paningin.

22. Ang lahat ng mga bagay ay ibinigay sa akin ng aking Ama: at walang nakakakilala kung sino ang Anak, kundi ang Ama; at kung sino ang Ama, kundi ang Anak, at yaong ibiging pagpahayagan ng Anak.

23. At paglingon sa mga alagad, ay sinabi niya ng bukod, Mapapalad ang mga matang nangakakakita ng mga bagay na inyong nangakikita:

24. Sapagka't sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang nangaghahangad na mangakakita ng mga bagay na inyong nangakikita, at hindi nila nangakita at mangarinig ang mga bagay na inyong nangaririnig, at hindi nila nangarinig.

25. At narito, ang isang tagapagtanggol ng kautusan ay nagtindig at siya'y tinutukso, na sinasabi, Guro, anong aking gagawin upang magmana ng walang hanggang buhay?

26. At sinabi niya sa kaniya, Ano ang nasusulat sa kautusan? ano ang nababasa mo?

27. At pagsagot niya'y sinabi, Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.

28. At sinabi niya sa kaniya, Matuwid ang sagot mo: gawin mo ito, at mabubuhay ka.

29. Datapuwa't siya, na ibig magaringganap sa kaniyang sarili, ay nagsabi kay Jesus, At sino ang aking kapuwa tao?

30. Sumagot si Jesus at sinabi, Isang tao'y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem; at siya'y nahulog sa kamay ng mga tulisan, na sa kaniya'y sumamsam at sa kaniya'y humampas, at nagsialis na siya'y iniwang halos patay na.

31. At nagkataong bumababa sa daang yaon ang isang saserdote; at nang makita siya ay dumaan sa kabilang tabi.

32. At sa gayon ding paraan ang isang Levita naman, nang dumating siya sa dakong yaon, at makita siya, ay dumaan sa kabilang tabi.

33. Datapuwa't ang isang Samaritano, sa kaniyang paglalakbay, ay dumating sa kinaroroonan niya: at nang siya'y makita niya, ay nagdalang habag,

34. At lumapit sa kaniya, at tinalian ang kaniyang mga sugat, na binuhusan ng langis at alak; at siya'y isinakay sa kaniyang sariling hayop, at dinala siya sa bahay-tuluyan, at siya'y inalagaan.

Lucas 10