1. Pagkatapos nga ng mga bagay na ito, ang Panginoon ay naghalal ng pitongpu pa, at sila'y sinugong daladalawa, sa unahan ng kaniyang mukha, sa bawa't bayan at dako na kaniyang paroroonan.
2. At sinabi niya sa kanila, Sa katotohana'y marami ang aanihin, datapuwa't kakaunti ang mga manggagawa: kaya't idalangin ninyo sa Panginoon ng aanihin, na magpadala siya ng mga manggagawa sa kaniyang aanihin.
3. Magsiyaon kayo sa iyong lakad; narito, sinusugo ko kayong gaya ng mga kordero sa gitna ng mga lobo.
4. Huwag kayong magsipagdala ng supot ng salapi, ng supot man ng pagkain, ng mga pangyapak man; at huwag kayong magsibati kanino mang tao sa daan.
5. At sa alin mang bahay na inyong pasukin, ay sabihin ninyo muna, Kapayapaan nawa sa bahay na ito.
6. At kung mayroon doong anak ng kapayapaan, ang inyong kapayapaa'y mananatili sa kaniya: datapuwa't kung wala, ay babalik ito sa inyong muli.