Levitico 26:8-18 Ang Biblia (TLAB)

8. At lima sa inyo'y hahabol sa isang daan, at isang daan sa inyo'y hahabol sa sangpung libo: at ang inyong mga kaaway ay mangabubuwal sa tabak sa harap ninyo.

9. At lilingapin ko kayo, at palalaguin ko kayo, at pararamihin ko kayo; at papagtitibayin ko ang aking tipan sa inyo.

10. At kakanin ninyo ang malaong kinamalig, at inyong ilalabas ang luma dahil sa bago.

11. At ilalagay ko ang aking tabernakulo sa gitna ninyo: at hindi ko kayo kapopootan.

12. At lalakad ako sa gitna ninyo at ako'y magiging inyong Dios, at kayo'y magiging aking bayan.

13. Ako ang Panginoon ninyong Dios, na naglabas sa inyo sa lupain ng Egipto, upang huwag kayong maging mga alipin nila; at sinira ko ang mga kahoy ng inyong pamatok, at pinalakad ko kayo ng mga ulong matuwid.

14. Nguni't kung hindi ninyo pakikinggan ako, at hindi ninyo tutuparin ang lahat ng mga utos na ito;

15. At kung inyong tatanggihan ang aking mga palatuntunan, at kasusuklaman nga ninyo ang aking mga hatol, na anopa't hindi ninyo tutuparin ang lahat ng aking mga utos, kundi inyong sisirain ang aking tipan;

16. Ay gagawin ko naman ito sa inyo; ilalagay ko sa gitna ninyo ang sindak, at pagkatuyo, at ang lagnat na uubos sa mga mata, at magpapalupaypay sa kaluluwa: at maghahasik kayo ng inyong binhi na walang kabuluhan, sapagka't kakanin ng inyong mga kaaway.

17. At itititig ko ang aking mukha laban sa inyo, at kayo'y masasaktan sa harap ng inyong mga kaaway: kayo'y pagpupunuan ng mga napopoot sa inyo; at kayo'y tatakas nang walang humahabol sa inyo.

18. At kung sa mga bagay na ito man ay hindi ninyo ako pakinggan, ay parurusahan ko kayong makapito pa, dahil sa inyong mga kasalanan.

Levitico 26