Levitico 25:32-44 Ang Biblia (TLAB)

32. Gayon ma'y sa mga bayan ng mga Levita, kailan ma'y maaaring matubos ng mga Levita ang mga bahay sa mga bayan ng kanilang pag-aari.

33. At kung ang isa sa mga Levita ay tumubos, ang bahay na ipinagbili at ang bayang kaniyang pag-aari, ay maaalis sa jubileo, sapagka't ang mga bahay sa mga bayan ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.

34. Datapuwa't ang mga bukid sa palibot ng mga bayan nila, ay hindi maipagbibili, sapagka't pag-aari nila magpakailan man.

35. At kung maghirap ang iyong kapatid at manglupaypay sa iyong siping, ay iyo siyang aalalayan na patutuluyin mo, na manunuluyan sa iyong parang taga ibang bayan at nakikipamayan.

36. Huwag kang kukuha sa kaniya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Dios: patuluyin mo ang iyong kapatid.

37. Ang iyong salapi ay huwag mong ibibigay sa kaniya na may patubo, ni ibibigay mo sa kaniya na may pakinabang ang iyong pagkain.

38. Ako ang Panginoon ninyong Dios, na inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto, upang ibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan, at ako'y maging inyong Dios.

39. At kung ang iyong kapatid na kasama mo ay maghirap at pabili siya sa iyo: ay huwag mo siyang papaglilingkuring parang alipin;

40. Ipalalagay mo siyang parang lingkod na upahan at parang nakikipamayan; hanggang sa taon ng jubileo ay maglilingkod siya sa iyo:

41. Kung magkagayo'y aalis siya sa iyo, siya at ang kaniyang mga anak na kasama niya, at babalik sa kaniyang sariling sangbahayan, at babalik sa pag-aari ng kaniyang mga magulang.

42. Sapagka't sila'y aking mga lingkod, na aking inilabas sa lupain ng Egipto; sila'y hindi maipagbibiling parang mga alipin.

43. Huwag kang papapanginoon sa kaniya na may kabagsikan; kundi ikaw ay matatakot sa iyong Dios.

44. At tungkol sa iyong mga aliping lalake at babae na magkakaroon ka; sa mga bansang nasa palibot ninyo, ay makabibili kayo sa kanila ng mga aliping lalake at babae.

Levitico 25