Levitico 25:21-40 Ang Biblia (TLAB)

21. At aking igagawad ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magbubunga ng kasya sa tatlong taon.

22. At maghahasik kayo sa ikawalong taon, at kakain kayo ng dating kinamalig na mga bunga hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa dumating ang pagbubunga ng ikawalo ay kakain kayo ng dating kinamalig.

23. At ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagka't akin ang lupain: sapagka't kayo'y taga ibang bayan at makikipamayang kasama ko.

24. At sa buong lupain na iyong pag-aari ay magkakaloob kayo ng pangtubos sa lupain.

25. Kung ang iyong kapatid ay maghirap, at ipagbili ang anoman sa kaniyang pag-aari, ay paroroon ang kaniyang kamaganak na pinakamalapit sa kaniya, at tutubusin ang ipinagbili ng kaniyang kapatid.

26. At kung ang taong yaon ay walang manunubos, at siya'y yumaman at nakasumpong ng kasapatan upang matubos yaon;

27. Ay kaniyang bilangin ang mga taon pagkatapos na kaniyang naipagbili, at isasauli ang labis sa taong kaniyang pinagbilhan; at babalik siya sa kaniyang pag-aari.

28. Nguni't kung siya'y walang kasapatan, upang maibalik niya sa kaniya, ang ipinagbili ay matitira nga sa kapangyarihan ng bumili hanggang sa taon ng jubileo; at sa jubileo ay maaalis sa kapangyarihan niyaon, at ang may-ari ay babalik sa kaniyang pag-aari.

29. At kung ang isang tao ay magbili ng bahay na tahanan sa nakukutaang bayan ay matutubos niya sa loob ng isang buong taon pagkatapos na maipagbili; sapagka't isang buong taon ang kaniyang matuwid ng pagtubos.

30. At kung hindi matubos sa loob ng isang buong taon, ang bahay na nasa nakukutaang bayan ay lalagi magpakailan man, na pag-aari niyaong bumili, sa buong panahon ng kaniyang lahi: hindi maaalis sa kaniya sa jubileo.

31. Nguni't ang mga bahay sa mga nayon na walang kuta sa palibot, ay aariing para ng sa mga bukirin sa lupain: kanilang matutubos; at sa jubileo ay magsisialis.

32. Gayon ma'y sa mga bayan ng mga Levita, kailan ma'y maaaring matubos ng mga Levita ang mga bahay sa mga bayan ng kanilang pag-aari.

33. At kung ang isa sa mga Levita ay tumubos, ang bahay na ipinagbili at ang bayang kaniyang pag-aari, ay maaalis sa jubileo, sapagka't ang mga bahay sa mga bayan ng mga Levita ay kanilang pag-aari sa gitna ng mga anak ni Israel.

34. Datapuwa't ang mga bukid sa palibot ng mga bayan nila, ay hindi maipagbibili, sapagka't pag-aari nila magpakailan man.

35. At kung maghirap ang iyong kapatid at manglupaypay sa iyong siping, ay iyo siyang aalalayan na patutuluyin mo, na manunuluyan sa iyong parang taga ibang bayan at nakikipamayan.

36. Huwag kang kukuha sa kaniya ng patubo o pakinabang, kundi matakot ka sa iyong Dios: patuluyin mo ang iyong kapatid.

37. Ang iyong salapi ay huwag mong ibibigay sa kaniya na may patubo, ni ibibigay mo sa kaniya na may pakinabang ang iyong pagkain.

38. Ako ang Panginoon ninyong Dios, na inilabas ko kayo sa lupain ng Egipto, upang ibigay ko sa inyo ang lupain ng Canaan, at ako'y maging inyong Dios.

39. At kung ang iyong kapatid na kasama mo ay maghirap at pabili siya sa iyo: ay huwag mo siyang papaglilingkuring parang alipin;

40. Ipalalagay mo siyang parang lingkod na upahan at parang nakikipamayan; hanggang sa taon ng jubileo ay maglilingkod siya sa iyo:

Levitico 25