14. At kung ikaw ay magbili ng anoman sa iyong kapuwa o bumili ng anoman sa kamay ng iyong kapuwa, ay huwag kayong magdadayaan.
15. Ayon sa bilang ng taon pagkatapos ng jubileo, ay bibilhin mo sa iyong kapuwa, ayon sa bilang ng taon ng pagaani, ay kaniyang ipagbibili sa iyo.
16. Ayon sa dami ng mga taon, ay daragdagan mo ang halaga niyan, at ayon sa kakauntian ng mga taon, ay babawasan mo ang halaga niyan; sapagka't ganyang bilang ng ani ang kaniyang ipagbibili sa iyo.
17. At huwag kayong magdadayaan; kundi matatakot kayo sa inyong Dios: sapagka't ako ang Panginoon ninyong Dios.
18. Kaya't inyong tutuparin ang aking mga palatuntunan, at inyong iingatan ang aking mga kahatulan at inyong isasagawa at tatahan kayong tiwasay sa lupain.
19. At ang lupain ay magbubunga, at kakain kayo hanggang sa mabusog at tatahan kayong tiwasay doon.
20. At kung sasabihin ninyo, Anong aming kakanin sa ikapitong taon? narito, hindi kami maghahasik ni magtitipon ng aming mga bunga:
21. At aking igagawad ang aking pagpapala sa inyo sa ikaanim na taon, at magbubunga ng kasya sa tatlong taon.
22. At maghahasik kayo sa ikawalong taon, at kakain kayo ng dating kinamalig na mga bunga hanggang sa ikasiyam na taon, hanggang sa dumating ang pagbubunga ng ikawalo ay kakain kayo ng dating kinamalig.
23. At ang lupain ay hindi maipagbibili ng magpakailan man; sapagka't akin ang lupain: sapagka't kayo'y taga ibang bayan at makikipamayang kasama ko.