14. Sa bao o inihiwalay, sa lamas o patutot ay huwag siyang magaasawa; kundi sa isang dalagang malinis sa kaniyang sariling bayan magaasawa siya.
15. At huwag niyang dudumhan ang kaniyang mga binhi sa gitna ng kaniyang bayan: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kaniya.
16. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
17. Iyong salitain kay Aaron, na iyong sasabihin, Sinoman sa iyong mga binhi, sa buong panahon ng kaniyang lahi, na magkaroon ng anomang kapintasan, ay huwag lumapit na maghandog ng tinapay ng kaniyang Dios.
18. Sapagka't sinomang magkaroon ng kapintasan ay huwag lalapit; maging ang taong bulag, o pilay, o magkaroon ng ilong na ungod, o ang mayroong kuntil,
19. O ang taong magkaroon ng paang bali o kamay na bali,
20. O taong kuba, o unano, o magkaroon ng kapintasan sa kaniyang mata, o galisin, o langibin, o luslusin:
21. Walang tao sa binhi ni Aaron na saserdote, na magkaroon ng kapintasan, na lalapit upang magharap ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy: siya'y may kapintasan; siya'y huwag lalapit na magharap ng tinapay ng kaniyang Dios.
22. Kaniyang kakanin ang tinapay ng kaniyang Dios, ang pinakabanal at ang mga bagay na banal:
23. Hindi lamang siya papasok sa loob ng tabing, o lalapit man sa dambana, sapagka't may kapintasan siya; upang huwag niyang lapastanganin ang aking mga santuario: sapagka't ako ang Panginoon na nagpapaging banal sa kanila.
24. Gayon sinalita ni Moises kay Aaron at sa kaniyang mga anak, at sa lahat ng mga anak ni Israel.