Levitico 13:48-58 Ang Biblia (TLAB)

48. Maging nasa paayon o maging nasa pahalang; ng lino o ng balahibo ng tupa; maging sa balat o sa alin mang yaring balat;

49. Kung ang tila salot ay namemerde o namumula sa kasuutan, o sa balat, maging sa paayon, o maging sa pahalang, o sa alin mang kasangkapang balat; ay salot na ketong nga at ipakikita sa saserdote,

50. At titingnan ng saserdote ang tila salot, at ipatatago ng pitong araw ang bagay na may tila salot:

51. At titingnan ang bagay na may tila salot, sa ikapitong araw: kung kumalat ang tila salot sa kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alin mang ginagawa sa balat, ay ketong na ngumangatngat ang gayon tila salot; yao'y karumaldumal.

52. At kaniyang susunugin ang kasuutan, maging paayon, at maging pahalang ng balahibo ng tupa o lino o sa alin mang kasangkapang balat na kinaroroonan ng salot; sapagka't yao'y ketong na ngumangatngat, yao'y susunugin sa apoy.

53. At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang salot sa kasuutan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alin mang kasangkapang balat;

54. Ay palalabhan nga ng saserdote yaong kinaroroonan ng salot, at ipatatago pa ng pitong araw:

55. At titingnan ng saserdote ang bagay na may salot, pagkatapos na malabhan: at, narito, kung makitang ang salot ay hindi nagbago ang kulay, at hindi kumalat ang salot, yao'y karumaldumal; susunugin mo sa apoy: isang ngatngat nga, maging ang nanisnis ay nasa karayagan o nasa kabaligtaran.

56. At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang namutla ang dakong may salot pagkatapos na malabhan, ay hahapakin sa kasuutan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang:

57. At kung muling lumitaw sa kasuutang yaon, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, ay muling sumisibol: susunugin mo sa apoy yaong kinaroroonan ng salot.

58. At ang kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa alin mang yari sa balat, na iyong labhan, at maalis ang salot, ay lalabhan ngang ikalawa, at magiging malinis.

Levitico 13