Levitico 13:41-56 Ang Biblia (TLAB)

41. At kung sa dakong harapan ng ulo nalugunan ng buhok, ay kalbo yaon sa noo gayon ma'y malinis.

42. Datapuwa't kung sa kakalbuhan, sa ulo o sa noo ay magkaroon ng tila salot ng namumulang maputi; ay ketong na sumibol sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo.

43. Kung magkagayo'y titingnan siya ng saserdote: at, narito, kung ang pamamaga ng tila salot ay namumulamula ng maputi sa kaniyang kakalbuhan ng ulo o sa kaniyang kakalbuhan ng noo, gaya ng anyo ng ketong sa balat ng kaniyang laman;

44. Ay ketongin siya, siya'y karumaldumal ipakikilala siya ng saserdote na tunay na karumaldumal; nasa kaniyang ulo ang salot niya.

45. At pupunitin ng may ketong na kinaroroonan ng salot, ang kaniyang mga suot at ang buhok ng kaniyang ulo ay ilulugay, at siya'y magtatakip ng kaniyang nguso, at maghihihiyaw. Karumaldumal, karumaldumal.

46. Sa buong panahong siya'y karoonan ng salot, ay magiging karumaldumal; siya'y karumaldumal: siya'y tatahang bukod; sa labas ng kampamento malalagay ang kaniyang tahanan.

47. Ang suot na kinaroroonan ng ketong, maging kasuutang balahibo ng tupa o kasuutang lino;

48. Maging nasa paayon o maging nasa pahalang; ng lino o ng balahibo ng tupa; maging sa balat o sa alin mang yaring balat;

49. Kung ang tila salot ay namemerde o namumula sa kasuutan, o sa balat, maging sa paayon, o maging sa pahalang, o sa alin mang kasangkapang balat; ay salot na ketong nga at ipakikita sa saserdote,

50. At titingnan ng saserdote ang tila salot, at ipatatago ng pitong araw ang bagay na may tila salot:

51. At titingnan ang bagay na may tila salot, sa ikapitong araw: kung kumalat ang tila salot sa kasuutan, maging sa paayon, o sa pahalang, o sa balat, o alin mang ginagawa sa balat, ay ketong na ngumangatngat ang gayon tila salot; yao'y karumaldumal.

52. At kaniyang susunugin ang kasuutan, maging paayon, at maging pahalang ng balahibo ng tupa o lino o sa alin mang kasangkapang balat na kinaroroonan ng salot; sapagka't yao'y ketong na ngumangatngat, yao'y susunugin sa apoy.

53. At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang hindi kumalat ang salot sa kasuutan, maging sa paayon man, o sa pahalang man, o sa alin mang kasangkapang balat;

54. Ay palalabhan nga ng saserdote yaong kinaroroonan ng salot, at ipatatago pa ng pitong araw:

55. At titingnan ng saserdote ang bagay na may salot, pagkatapos na malabhan: at, narito, kung makitang ang salot ay hindi nagbago ang kulay, at hindi kumalat ang salot, yao'y karumaldumal; susunugin mo sa apoy: isang ngatngat nga, maging ang nanisnis ay nasa karayagan o nasa kabaligtaran.

56. At kung pagtingin ng saserdote, at, narito, kung makita ngang namutla ang dakong may salot pagkatapos na malabhan, ay hahapakin sa kasuutan, o sa balat, o sa paayon, o sa pahalang:

Levitico 13