Judas 1:15-25 Ang Biblia (TLAB)

15. Upang isagawa ang paghuhukom sa lahat, at upang sumbatan ang lahat ng masasama sa lahat ng kanilang mga gawang masasama na kanilang ginawang may kasamaan, at sa lahat ng mga bagay na mabibigat na sinalita laban sa kaniya ng mga makasalanang masasama.

16. Ang mga ito'y mga mapagbulong, mga madaingin, na nangagsisilakad ayon sa kanilang masasamang pita (at ang kanilang bibig ay nangagsasalita ng mga kapalaluan), nangagpapakita ng galang sa mga tao dahil sa pakikinabangin.

17. Nguni't kayo, mga minamahal, ay alalahanin ninyo ang mga salitang nang una'y sinabi ng mga apostol ng ating Panginoong Jesucristo;

18. Kung paanong sinabi sa inyo, Magkakaroon ng mga manunuya sa huling panahon, na magsisilakad ayon sa kanikanilang masasamang pita.

19. Ang mga ito ang nagsisigawa ng paghihiwalay, malalayaw, na walang taglay na Espiritu.

20. Nguni't kayo, mga minamahal, papagtibayin ninyo ang inyong sarili sa inyong lubhang banal na pananampalataya, na manalangin sa Espiritu Santo,

21. Na magsipanatili kayo sa pagibig sa Dios, na inyong asahan ang awa ng ating Panginoong Jesucristo sa ikabubuhay na walang hanggan.

22. At ang ibang nagaalinlangan ay inyong kahabagan;

23. At ang iba'y inyong iligtas, na agawin ninyo sa apoy; at ang iba'y inyong kahabagan na may takot; na inyong kapootan pati ng damit na nadungisan ng laman.

24. Ngayon doon sa makapagiingat sa inyo mula sa pagkatisod, at sa inyo'y makapaghaharap na walang kapintasan na may malaking galak, sa harapan ng kaniyang kaluwalhatian.

25. Sa iisang Dios na ating Tagapagligtas, sa pamamagitan ni Jesucristo na ating Panginoon, ay sumakaniya nawa ang kaluwalhatian, ang karangalan, ang paghahari, at ang kapangyarihan, sa kaunaunahang panahon, at ngayon at magpakailan man. Siya nawa.

Judas 1