Juan 9:1-10 Ang Biblia (TLAB)

1. At sa pagdaraan niya, ay nakita niya ang isang lalaking bulag mula sa kaniyang kapanganakan.

2. At itinanong sa kaniya ng kaniyang mga alagad, na nangagsasabi, Rabi, sino ang nagkasala, ang taong ito, o ang kaniyang mga magulang, upang siya'y ipanganak na bulag?

3. Sumagot si Jesus, Hindi dahil sa ang taong ito'y nagkasala, ni ang kaniyang mga magulang man: kundi upang mahayag sa kaniya ang mga gawa ng Dios.

4. Kinakailangan nating gawin ang mga gawa niyaong nagsugo sa akin, samantalang araw: dumarating ang gabi, na walang taong makagagawa.

5. Samantalang ako'y nasa sanglibutan, ako ang ilaw ng sanglibutan.

6. Nang masabi niya ang ganito, siya'y lumura sa lupa, at pinapagputik ang lura, at pinahiran ang mga mata niya ng putik,

7. At sinabi sa kaniya, Humayo ka, maghugas ka sa tangke ng Siloe (na kung liliwanagin ay Sinugo). Siya nga'y humayo, at naghugas, at nagbalik na nakakakita.

8. Ang mga kapitbahay nga, at ang nangakakita sa kaniya nang una, na siya'y pulubi, ay nangagsabi, Hindi baga ito ang nauupo at nagpapalimos?

9. Sinabi ng mga iba, Siya nga: sinabi ng mga iba, Hindi, kundi nakakamukha niya. Sinabi niya, Ako nga.

10. Sa kaniya nga'y kanilang sinabi, Paano nga ang pagkadilat ng iyong mga mata?

Juan 9