Juan 16:1-20 Ang Biblia (TLAB)

1. Ang mga bagay na ito'y aking sinalita sa inyo, upang kayo'y huwag mangatisod.

2. Kayo'y palalayasin nila sa mga sinagoga: oo, dumarating ang oras, na ang sinomang pumatay sa inyo ay aakalaing naghahandog siya ng paglilingkod sa Dios.

3. At ang mga bagay na ito'y gagawin nila, sapagka't hindi nila nakikilala ang Ama, ni ako man.

4. Datapuwa't ang mga bagay na ito'y sinalita ko sa inyo, upang kung dumating ang kanilang oras, ay inyong mangaalaala, kung paanong sinabi ko sa inyo. At ang mga bagay na ito'y hindi ko sinabi sa inyo buhat pa nang una, sapagka't ako'y sumasa inyo.

5. Datapuwa't ngayong ako'y paroroon sa nagsugo sa akin; at sinoman sa inyo ay walang nagtatanong sa akin, Saan ka paroroon?

6. Nguni't sapagka't sinalita ko ang mga bagay na ito sa inyo, ay napuno ng kalumbayan ang inyong puso.

7. Gayon ma'y sinasalita ko sa inyo ang katotohanan: Nararapat sa inyo na ako'y yumaon; sapagka't kung hindi ako yayaon, ang Mangaaliw ay hindi paririto sa inyo; nguni't kung ako'y yumaon, siya'y susuguin ko sa inyo.

8. At siya, pagparito niya, ay kaniyang susumbatan ang sanglibutan tungkol sa kasalanan, at sa katuwiran, at sa paghatol:

9. Tungkol sa kasalanan, sapagka't hindi sila nagsisampalataya sa akin;

10. Tungkol sa katuwiran, sapagka't ako'y paroroon sa Ama, at hindi na ninyo ako makikita;

11. Tungkol sa paghatol, sapagka't ang prinsipe ng sanglibutang ito ay hinatulan na.

12. Mayroon pa akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, nguni't ngayon ay hindi ninyo mangatitiis.

13. Gayon ma'y kung siya, ang Espiritu ng katotohanan ay dumating, ay papatnubayan niya kayo sa buong katotohanan: sapagka't hindi siya magsasalita ng mula sa kaniyang sarili; kundi ang anomang bagay na kaniyang marinig, ang mga ito ang kaniyang sasalitain: at kaniyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating.

14. Luluwalhatiin niya ako: sapagka't kukuha siya sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag.

15. Ang lahat ng mga bagay na nasa Ama ay akin: kaya sinabi ko, na siya'y kukuha sa nasa akin, at sa inyo'y ipahahayag.

16. Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sandali pa, at ako'y inyong makikita.

17. Ang ilan sa kaniyang mga alagad nga ay nangagsangusapan, Ano itong sinasabi niya sa atin, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita; at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita: at, Sapagka't ako'y paroroon sa Ama?

18. Sinabi nga nila, Ano nga itong sinasabi niya, Sangdali na lamang? Hindi namin nalalaman kung ano ang sinasabi niya.

19. Natalastas ni Jesus na sa kaniya'y ibig nilang itanong, at sa kanila'y sinabi niya, Nangagtatanungan kayo tungkol dito sa aking sinabi, Sangdali na lamang, at ako'y hindi na ninyo makikita, at muling sangdali pa, at ako'y inyong makikita?

20. Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, na kayo'y magsisiiyak at magsisipanaghoy, datapuwa't ang sanglibutan ay magagalak: kayo'y mangalulumbay, datapuwa't ang inyong kalumbayan ay magiging kagalakan.

Juan 16