Juan 12:27-41 Ang Biblia (TLAB)

27. Ngayon ay nagugulumihanan ang aking kaluluwa; at ano ang aking sasabihin? Ama, iligtas mo ako sa oras na ito. Nguni't dahil dito ay naparito ako sa oras na ito.

28. Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan. Dumating nga ang isang tinig na mula sa langit, na nagsasabi, Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.

29. Ang karamihan ngang nangaroroon, at nangakarinig, ay nagsipagsabing kumulog: sinabi ng mga iba, Isang anghel ang nakipagusap sa kaniya.

30. Sumagot si Jesus at sinabi, Ang tinig na ito'y hindi dumating dahil sa akin, kundi dahil sa inyo.

31. Ngayon ang paghatol sa sanglibutang ito: ngayon ang prinsipe ng sanglibutang ito ay palalayasin.

32. At ako, kung ako'y mataas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay palalapitin ko sa akin din.

33. Datapuwa't ito'y sinabi niya, na ipinaaalam kung sa anong kamatayan ang ikamamatay niya.

34. Sinagot nga siya ng karamihan, Aming narinig sa kautusan na ang Cristo ay lumalagi magpakailan man: at paanong sinasabi mo, Kinakailangan na ang Anak ng tao ay mataas? sino ang Anak ng taong ito?

35. Sinabi nga sa kanila ni Jesus, Kaunting panahon na lamang sasagitna ninyo ang ilaw. Kayo'y magsilakad samantalang nasa inyo ang ilaw, upang huwag kayong abutin ng kadiliman: at ang lumalakad sa kadiliman ay hindi nalalaman kung saan siya tutungo.

36. Samantalang nasa inyo ang ilaw, ay magsisampalataya kayo sa ilaw, upang kayo'y maging mga anak ng ilaw. Ang mga bagay na ito'y sinalita ni Jesus, at siya'y umalis at nagtago sa kanila.

37. Nguni't bagaman gumawa siya sa harap nila ng gayon maraming mga tanda, gayon ma'y hindi sila nagsisampalataya sa kaniya:

38. Upang maganap ang salita ng propeta Isaias, na kaniyang sinalita, Panginoon, sino ang naniwala sa aming balita? At kanino nahayag ang bisig ng Panginoon?

39. Dahil dito'y hindi sila makapaniwala, sapagka't muling sinabi ni Isaias,

40. Binulag niya ang kanilang mga mata, at pinatigas niya ang kanilang mga puso; Baka sila'y mangakakita ng kanilang mga mata, at mangakaunawa ng kanilang puso At mangagbalik-loob, At sila'y mapagaling ko.

41. Ang mga bagay na ito'y sinabi ni Isaias, sapagka't nakita niya ang kaniyang kaluwalhatian; at siya'y nagsalita ng tungkol sa kaniya.

Juan 12