8. Sinabi sa kaniya ng mga alagad, Rabi, ngayo'y pinagsisikapang batuhin ka ng mga Judio; at muli kang paroroon doon?
9. Sumagot si Jesus, Hindi baga ang araw ay may labingdalawang oras? Kung ang isang tao'y lumalakad samantalang araw, ay hindi siya natitisod, sapagka't nakikita niya ang ilaw ng sanglibutang ito.
10. Nguni't ang isang taong lumalakad samantalang gabi, ay natitisod siya, sapagka't walang ilaw sa kaniya.
11. Ang mga bagay na ito'y sinalita niya: at pagkatapos nito'y sinabi niya sa kanila, Si Lazaro na ating kaibigan ay natutulog; nguni't ako'y paroroon, upang gisingin ko siya sa pagkakatulog.
12. Sinabi nga ng mga alagad sa kaniya, Panginoon, kung siya'y natutulog, ay siya'y gagaling.
13. Sinalita nga ni Jesus ang tungkol sa kaniyang pagkamatay: datapuwa't sinapantaha nila na ang sinalita ay ang karaniwang pagtulog.
14. Nang magkagayon nga ay sinabi sa kanila ni Jesus ng malinaw, Si Lazaro ay patay.
15. At ikinagagalak ko dahil sa inyo rin na ako'y wala roon, upang kayo'y magsipaniwala; gayon ma'y tayo na sa kaniya.
16. Si Tomas nga, na tinatawag na Didimo, ay nagsabi sa mga kapuwa niya alagad, Tayo'y magsiparoon din naman, upang tayo'y mangamatay na kasama niya.
17. Kaya't nang dumating si Jesus, ay naratnan niyang apat na araw na siya'y nalilibing.
18. Ang Betania nga'y malapit sa Jerusalem, na may layong labing-limang estadio;
19. At marami sa mga Judio ang nangakaparoon na kay Marta at kay Maria, upang sila'y aliwin tungkol sa kanilang kapatid.
20. Si Marta nga, nang marinig niyang si Jesus ay dumarating, ay yumaon at sumalubong sa kaniya: nguni't si Maria ay nanatiling nakaupo sa bahay.
21. Sinabi nga ni Marta kay Jesus, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ang kapatid ko ay hindi namatay.
22. At ngayon man nama'y nalalaman ko na, anomang hingin mo sa Dios, ay ipagkakaloob sa iyo ng Dios.