Josue 8:21-35 Ang Biblia (TLAB)

21. At nang makita ni Josue at ng buong Israel na nasakop ng bakay ang bayan at ang usok ng bayan ay napaiilanglang, ay nagsibalik nga uli sila at pinatay ang mga lalake sa Hai.

22. At ang iba'y lumabas sa bayan laban sa kanila, na anopa't sila'y nasa gitna ng Israel, na ang iba'y sa dakong ito, at ang iba'y sa dakong yaon: at sinaktan nila sila, na anopa't wala silang iniwan sa kanila na nalabi o nakatanan.

23. At ang hari sa Hai ay hinuli nilang buhay, at dinala nila siya kay Josue.

24. At nangyari, nang matapos ng Israel na mapatay sa parang ang lahat ng mga taga Hai, sa ilang na kanilang pinaghabulan sa kanila, at mangabuwal sa pamamagitan ng talim ng tabak, hanggang sa nalipol nila sila, ay bumalik ang buong Israel sa Hai, at sinugatan ng talim ng tabak.

25. At ang lahat na nabuwal ng araw na yaon, lalake at gayon din ang babae ay labing dalawang libo, lahat ng mga tao sa Hai.

26. Sapagka't hindi iniurong ni Josue ang kaniyang kamay na kaniyang ipinag-unat ng sibat hanggang sa kaniyang nalipol na lubos ang lahat ng mga taga Hai.

27. Ang hayop lamang at ang samsam sa bayan na yaon ang kinuha ng Israel na pinakasamsam, ayon sa salita ng Panginoon na kaniyang iniutos kay Josue.

28. Gayon sinunog ni Josue ang Hai, at pinapaging isang bunton magpakailan man na isang kagibaan, hanggang sa araw na ito.

29. At ibinitin niya ang hari sa Hai sa isang punong kahoy hanggang sa kinahapunan: at sa paglubog ng araw ay iniutos ni Josue, at ibinaba nila ang kaniyang bangkay sa punong kahoy at inihagis sa pasukan ng pintuan ng bayan, at binuntunan ng malaking bunton ng mga bato, hanggang sa araw na ito.

30. Nang magkagayo'y ipinagtayo ni Josue ng isang dambana ang Panginoon, ang Dios ng Israel, sa bundok ng Ebal,

31. Gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, sa mga anak ni Israel, gaya ng nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, na isang dambana na hindi hinitsurahang mga bato, na hindi pinagbuhatan ng sinomang tao ng bakal: at kanilang pinaghandugan sa Panginoon ng mga handog na susunugin, at pinaghainan ng mga handog tungkol sa kapayapaan.

32. At siya'y sumulat doon sa mga bato ng isang salin ng kautusan ni Moises na kaniyang sinulat, sa harap ng mga anak ni Israel.

33. At ang buong Israel, at ang kanilang mga matanda at mga pinuno at ang kanilang mga hukom, ay tumayo sa dakong ito ng kaban at sa dakong yaon sa harap ng mga saserdote na mga Levita, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon ang mga taga ibang lupa na gaya rin ng mga taga-roon; kalahati nila ay sa harap ng bundok ng Gerizim at kalahati nila ay sa harap ng bundok ng Ebal; gaya ng iniutos ni Moises na lingkod ng Panginoon, na kanilang basbasan muna ang bayan ng Israel.

34. At pagkatapos ay kaniyang binasa ang lahat ng mga salita ng kautusan, ang pagpapala at ang sumpa, ayon sa lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan.

35. Walang salita sa lahat na iniutos ni Moises na hindi binasa ni Josue sa harap ng buong kapulungan ng Israel at ng mga babae, at ng mga bata, at ng mga taga ibang lupa na nakikipamayan sa kanila.

Josue 8