Josue 8:1-16 Ang Biblia (TLAB)

1. At sinabi ng Panginoon kay Josue, Huwag kang matakot, ni manglumo: ipagsama mo ang buong bayang pangdigma, at bumangon ka, na sumampa ka sa Hai: tingnan mo, aking ibinigay sa iyong kamay ang hari sa Hai, at ang kaniyang bayan, at ang kaniyang siyudad, at ang kaniyang lupain;

2. At iyong gagawin sa Hai at sa kaniyang hari ang gaya ng iyong ginawa sa Jerico at sa kaniyang hari: ang samsam lamang doon, at ang mga hayop niyaon, ang iyong kukunin na pinakasamsam ninyo: lagyan mo ng mga bakay ang bayan sa likuran.

3. Sa gayo'y bumangon si Josue, at ang buong bayang pangdigma, upang sumampa sa Hai: at pumili si Josue ng tatlong pung libong lalake, na mga makapangyarihang lalaking matapang, at sinugo ng kinagabihan.

4. At iniutos niya sa kanila, na sinasabi, Narito, kayo'y babakay laban sa bayan, sa likuran ng bayan: huwag kayong lumayong totoo sa bayan kundi humanda kayo;

5. At ako, at ang buong bayan na kasama ko ay lalapit sa bayan. At mangyayari, na pagka sila'y lumabas laban sa amin gaya ng una, ay tatakas kami sa harap nila;

6. At sila'y lalabas na susunod sa amin, hanggang sa aming mailayo sila sa bayan, sapagka't kanilang sasabihin, Sila'y tumatakas sa harap natin, na gaya ng una; gayon kami tatakas sa harap nila:

7. At kayo'y babangon sa pagbakay, at inyong aariin ang bayan: sapagka't ibibigay ng Panginoon ninyong Dios sa inyong kamay.

8. At mangyayari, na pagka inyong nasakop ang bayan, ay inyong sisilaban ng apoy ang bayan; ayon sa salita ng Panginoon ay inyong gagawin: narito, aking iniutos sa inyo.

9. At pinapagpaalam sila ni Josue: at sila'y yumaon sa pagbakay, at lumagay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai, sa dakong kalunuran ng Hai: nguni't si Josue ay tumigil ng gabing yaon sa gitna ng bayan.

10. At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binilang ang bayan, at sumampa siya at ang mga matanda ng Israel, sa unahan ng bayan, sa Hai.

11. At ang buong bayan, sa makatuwid baga'y ang mga taong pangdigma na kinasama niya, ay sumampa, at lumapit, at naparoon sa harap ng bayan, at humantong sa dakong hilagaan ng Hai: mayroon ngang isang libis sa pagitan niya at ng Hai.

12. At siya'y kumuha ng may limang libong lalake at inilagay niya silang bakay sa pagitan ng Beth-el at ng Hai sa dakong kalunuran ng bayan.

13. Gayon inilagay nila ang bayan, ang buong hukbo na nasa hilagaan ng bayan, at ang kanilang mga bakay na nasa kalunuran ng bayan; at si Josue ay naparoon ng gabing yaon sa gitna ng libis.

14. At nangyari, nang makita ng hari sa Hai, na sila'y nagmadali at bumangong maaga, at ang mga lalake sa bayan ay lumabas laban sa Israel upang makipagbaka, siya at ang kaniyang buong bayan, sa kapanahunang takda, sa harap ng Araba, nguni't hindi niya talastas na may bakay laban sa kaniya sa likuran ng bayan.

15. At ginawa ni Josue at ng buong Israel na parang sila'y nadaig sa harap nila, at tumakas sa daan na ilang.

16. At ang lahat ng mga tao na nasa bayan ay pinisan upang humabol sa kanila: at kanilang hinabol si Josue, at nangalayo sa bayan.

Josue 8