12. Kaya't ang mga anak ni Israel ay hindi makatatayo sa harap ng kanilang mga kaaway; sila'y tumalikod sa harap ng kanilang mga kaaway, sapagka't sila'y naging sinumpa: ako'y hindi na sasa inyo pa, maliban sa inyong sirain ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.
13. Bumangon ka, papagbanalin mo ang bayan, at sabihin mo, Mangagpakabanal kayo sa kinabukasan: sapagka't ganito ang sabi ng Panginoon, ng Dios ng Israel, May itinalagang bagay sa gitna mo, Oh Israel: ikaw ay hindi makatatayo sa harap ng iyong mga kaaway, hanggang sa inyong alisin ang itinalagang bagay sa gitna ninyo.
14. Sa kinaumagahan nga ay lalapit kayo ayon sa inyong mga lipi: at mangyayari, na ang lipi na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga angkan: at ang angkan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit ayon sa mga sangbahayan; at ang sangbahayan na pipiliin ng Panginoon ay lalapit bawa't lalake.
15. At mangyayari, na ang makunan ng itinalagang bagay ay susunugin sa apoy, siya at ang lahat niyang tinatangkilik: sapagka't kaniyang sinalangsang ang tipan ng Panginoon, at sapagka't siya'y gumawa ng kaululan sa Israel.
16. Sa gayo'y bumangong maaga si Josue sa kinaumagahan, at inilapit ang Israel ayon sa kanilang mga lipi: at ang lipi ni Juda ay napili:
17. At kaniyang inilapit ang angkan ni Juda; at napili ang angkan ng mga Zeraita: at kaniyang inilapit ang angkan ng mga Zeraita na bawa't lalake; at si Zabdi ay napili:
18. At kaniyang inilapit ang kaniyang sangbahayan bawa't lalake: at si Achan, na anak ni Carmi, na anak ni Zabdi, na anak ni Zera, sa lipi ni Juda, ay napili.
19. At sinabi ni Josue kay Achan, Anak ko, isinasamo ko sa iyo, na iyong luwalhatiin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, at magpahayag ka sa kaniya; at ipahayag mo sa akin ngayon kung ano ang iyong ginawa; huwag kang maglihim sa akin.