6. At tinawag ni Josue na anak ni Nun ang mga saserdote, at sinabi sa kanila, Buhatin ninyo ang kaban ng tipan, at magdala ang pitong saserdote ng pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon.
7. At kaniyang sinabi sa bayan, Magpauna kayo, at ligirin ninyo ang bayan, at papagpaunahin ninyo ang mga lalaking may sandata sa unahan ng kaban ng Panginoon.
8. At nangyari, na pagkapagsalita ni Josue sa bayan, ay nagpauna sa Panginoon ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa, at humihip ng mga pakakak; at ang kaban ng tipan ng Panginoon ay sumusunod sa kanila.
9. At ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa mga saserdote na humihihip ng mga pakakak, at ang bantay likod ay sumusunod sa kaban, na ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak habang sila'y yumayaon.
10. At iniutos ni Josue sa bayan, na sinasabi, Huwag kayong hihiyaw, ni huwag ninyong iparirinig ang inyong tinig, ni huwag magbubuka ang inyong bibig ng anomang salita, hanggang sa araw na aking sabihing kayo'y humiyaw; kung magkagayo'y hihiyaw kayo.
11. Sa gayo'y kaniyang iniligid sa bayan ang kaban ng Panginoon, na lumigid na minsan: at sila'y nasok sa kampamento, at tumigil sa kampamento.
12. At si Josue ay bumangong maaga sa kinaumagahan, at binuhat ng mga saserdote ang kaban ng Panginoon.
13. At ang pitong saserdote na may tangang pitong pakakak na mga sungay ng tupa sa unahan ng kaban ng Panginoon ay yumaon na patuloy, at humihihip ng mga pakakak: at ang mga lalaking may sandata ay nagpauna sa kanila; at ang bantay likod ay sumusunod sa kaban ng Panginoon, na ang mga saserdote ay humihihip ng mga pakakak habang sila'y yumayaon.
14. At sa ikalawang araw ay kanilang niligid na minsan ang bayan, at nagsibalik sa kampamento: kanilang ginawang gayon na anim na araw.
15. At nangyari nang ikapitong araw, na sila'y bumangong maaga sa pagbubukang liwayway, at niligid ang bayan ng gayon ding paraan na makapito: nang araw lamang na yaon kanilang niligid ang bayan na makapito.
16. At nangyari, sa ikapito, nang humihip ng mga pakakak ang mga saserdote, ay sinabi ni Josue sa bayan, Humiyaw kayo; sapagka't ibinigay na ng Panginoon sa inyo ang bayan.
17. At ang bayan ay matatalaga sa Panginoon, yaon at ang lahat na tumatahan doon: si Rahab na patutot lamang ang mabubuhay, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay, sapagka't kaniyang ikinubli ang mga sugo na ating sinugo.
18. At kayo, sa anomang paraan ay magsipagingat sa itinalagang bagay; baka pagka naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo sa itinalagang bagay; sa gayo'y inyong ipasusumpa ang kampamento ng Israel, at inyong babagabagin.
19. Nguni't lahat na pilak, at ginto, at mga sisidlang tanso at bakal, ay banal sa Panginoon: pawang ipapasok sa silid ng kayamanan ng Panginoon.
20. Sa gayo'y humiyaw ang bayan, at ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak: at nangyari nang marinig ng bayan ang tunog ng pakakak na ang bayan ay humiyaw ng malakas, at ang kuta ay gumuho, na ano pa't ang bayan ay sumampang nasok sa siyudad, na bawa't isa'y matuwid na nagpatuloy, at kanilang sinakop ang bayan.