17. At ang bayan ay matatalaga sa Panginoon, yaon at ang lahat na tumatahan doon: si Rahab na patutot lamang ang mabubuhay, siya at ang lahat na kasama niya sa bahay, sapagka't kaniyang ikinubli ang mga sugo na ating sinugo.
18. At kayo, sa anomang paraan ay magsipagingat sa itinalagang bagay; baka pagka naitalaga na sa inyo ay kumuha kayo sa itinalagang bagay; sa gayo'y inyong ipasusumpa ang kampamento ng Israel, at inyong babagabagin.
19. Nguni't lahat na pilak, at ginto, at mga sisidlang tanso at bakal, ay banal sa Panginoon: pawang ipapasok sa silid ng kayamanan ng Panginoon.
20. Sa gayo'y humiyaw ang bayan, at ang mga saserdote ay humihip ng mga pakakak: at nangyari nang marinig ng bayan ang tunog ng pakakak na ang bayan ay humiyaw ng malakas, at ang kuta ay gumuho, na ano pa't ang bayan ay sumampang nasok sa siyudad, na bawa't isa'y matuwid na nagpatuloy, at kanilang sinakop ang bayan.
21. At kanilang lubos na nilipol ng talim ng tabak ang lahat na nasa bayan, ang lalake at gayon din ang babae, ang binata at gayon din ang matanda, at ang baka, at ang tupa, at ang asno.
22. At sinabi ni Josue sa dalawang lalaking tumiktik sa lupain, Pumasok kayo sa bahay ng patutot, at ilabas ninyo roon ang babae, at ang lahat niyang tinatangkilik, na gaya ng inyong isinumpa sa kaniya.
23. At ang mga binata na mga tiktik ay pumasok, at inilabas si Rahab, at ang kaniyang ama, at ang kaniyang ina, at ang kaniyang mga kapatid, at lahat ng kaniyang tinatangkilik; lahat niyang kamaganakan naman ay kanilang inilabas; at kanilang inilagay sila sa labas ng kampamento ng Israel.