Josue 24:10-17 Ang Biblia (TLAB)

10. Nguni't hindi ko dininig si Balaam; kaya't binasbasan nga niya kayo: gayon iniligtas ko kayo sa kaniyang kamay.

11. At kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico: at ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, ang Amorrheo, at ang Pherezeo, at ang Cananeo, at ang Hetheo, at ang Gergeseo, ang Heveo, at ang Jebuseo, at ibinigay ko sila sa inyong kamay.

12. At sinugo ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo, na siyang nagtaboy sa kanila sa harap ninyo, sa makatuwid baga'y sa dalawang hari ng mga Amorrheo: hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong busog.

13. At aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo binukid, at ng mga bayang hindi ninyo itinayo, at inyong tinatahanan; at mga ubasan at mga olibohan na hindi ninyo itinanim ay inyong kinakain.

14. Ngayon nga ay matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa pagtatapat at sa katotohanan: at inyong alisin ang mga dios na mga pinaglingkuran ng inyong mga magulang sa dako roon ng Ilog at sa Egipto; at inyong paglingkuran ang Panginoon.

15. At kung inaakala ninyong masama na maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga dios ng inyong mga magulang na pinaglingkuran sa dako roon ng Ilog, o ang dios ng mga Amorrheo na ang lupain nila ay inyong tinatahanan: nguni't sa ganang akin at ng aking sangbahayan ay maglilingkod kami sa Panginoon.

16. At ang bayan ay sumagot at nagsabi, Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon sa paglilingkod sa ibang mga dios:

17. Sapagka't ang Panginoon nating Dios ay siyang nagsampa sa atin at sa ating mga magulang mula sa lupain ng Egipto, mula sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang yaon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinaroonan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan:

Josue 24