3. Hindi ninyo iniwan ang inyong mga kapatid na malaong panahon hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang bilin na utos ng Panginoon ninyong Dios.
4. At ngayo'y binigyan ng kapahingahan ng Panginoon ninyong Dios ang inyong mga kapatid, gaya ng sinalita niya sa kanila: kaya't ngayo'y pumihit kayo at yumaon kayo sa inyong mga tolda sa lupain na inyong ari, na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa dako roon ng Jordan.
5. Ingatan lamang ninyong mainam na gawin ang utos at ang kautusan na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Dios, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kaniyang mga utos, at lumakip sa kaniya, at maglingkod sa kaniya ng boo ninyong puso at ng boo ninyong kaluluwa.
6. Gayon sila binasbasan ni Josue at pinagpaalam sila: at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.
7. Ibinigay nga ni Moises sa kalahating lipi ni Manases ang mana sa Basan: nguni't ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue sa gitna ng kanilang mga kapatid sa dako rito ng Jordan na dakong kalunuran. Bukod dito'y nang papagpaalamin sila ni Josue na pauwiin sa kanilang mga tolda, ay binasbasan sila,
8. At sinalita sa kanila, na sinasabi, Kayo'y bumalik na may maraming kayamanan sa inyong mga tolda, at may maraming hayop, may pilak, at may ginto, at may tanso, at may bakal, at may maraming kasuutan: magbahagi kayo sa inyong mga kapatid ng samsam sa inyong mga kaaway.
9. At ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagsibalik na humiwalay sa mga anak ni Israel mula sa Silo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumaroon sa lupain ng Galaad, sa lupain ng kanilang ari na kanilang inari, ayon sa utos ng Panginoon, sa pamamagitan ni Moises.
10. At nang sila'y dumating sa may lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng dambana sa tabi ng Jordan, isang malaking dambana na matatanaw.
11. At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, Narito, ang mga anak ni Ruben, ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan sa may lupain ng Jordan, sa dako na nauukol sa mga anak ni Israel.
12. At nang marinig ng mga anak ni Israel, ay nagpipisan sa Silo ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel, upang sumampa laban sa kanila na makipagdigma.
13. At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Galaad, si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote;
14. At kasama niya ay sangpung prinsipe, na isang prinsipe sa sangbahayan ng mga magulang sa bawa't isa sa mga lipi ng Israel; at bawa't isa sa kanila'y pangulo sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang sa mga libolibo sa Israel.
15. At sila'y naparoon sa mga anak ni Ruben, at sa mga anak ni Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Galaad, at sinalita nila sa kanila na sinasabi,
16. Ganito ang sabi ng buong kapisanan ng Panginoon, Anong pagsalangsang ito na inyong ginawa laban sa Dios ng Israel, na humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon, sa inyong pagtatayo para sa inyo ng isang dambana, upang manghimagsik sa araw na ito laban sa Panginoon?
17. Napakaliit ba sa ganang atin ang kasamaan ng Peor, na hindi natin nilinis hanggang sa araw na ito, bagaman dumating ang salot sa kapisanan ng Panginoon,
18. Upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? at mangyayari na sapagka't kayo'y nanghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magiinit siya bukas sa buong kapisanan ng Israel.
19. Gayon man, kung ang lupain na inyong ari ay maging marumi, lumipat nga kayo sa lupain na ari ng Panginoon, na kinatahanan ng tabernakulo ng Panginoon, at kumuha kayo ng ari sa gitna namin: nguni't huwag kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni manghimagsik laban sa amin, sa pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios.