Josue 22:18-29 Ang Biblia (TLAB)

18. Upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? at mangyayari na sapagka't kayo'y nanghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magiinit siya bukas sa buong kapisanan ng Israel.

19. Gayon man, kung ang lupain na inyong ari ay maging marumi, lumipat nga kayo sa lupain na ari ng Panginoon, na kinatahanan ng tabernakulo ng Panginoon, at kumuha kayo ng ari sa gitna namin: nguni't huwag kayong manghimagsik laban sa Panginoon, ni manghimagsik laban sa amin, sa pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios.

20. Hindi ba si Achan na anak ni Zera ay nagkasala ng pagsalangsang sa itinalagang bagay, at ang pagiinit ay nahulog sa buong kapisanan ng Israel? at ang taong yaon ay hindi namatay na magisa sa kaniyang kasamaan.

21. Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak ni Ruben, at ang mga anak ni Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pangulo ng mga libolibo sa Israel.

22. Ang Makapangyarihan, ang Dios, ang Panginoon, ang Makapangyarihan, ang Dios, ang Panginoon, ay siyang nakatatalastas; at matatalastas ng Israel; kung panghihimagsik nga o kung pagsalangsang laban sa Panginoon, (huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,)

23. Na kami ay nagtayo para sa amin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung paghandugan ng mga handog na susunugin o ng handog na harina, o kung paghandugan ng mga hain na mga handog tungkol sa kapayapaan, siyasatin nga ng Panginoon;

24. At kung hindi namin ginawang maingat ito, at inakala, na sabihin. Marahil sa panahong darating ay masasalita ng inyong mga anak, na sasabihin, Anong ipakikialam ninyo sa Panginoon, sa Dios ng Israel?

25. Sapagka't ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad: kayo'y walang bahagi sa Panginoon: sa gayo'y patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagkatakot sa Panginoon.

26. Kaya't aming sinabi, Maghanda tayo na magtayo para sa atin ng isang dambana, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain man:

27. Kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya ng aming mga handog na susunugin at ng aming mga hain at ng aming mga handog tungkol sa kapayapaan; upang huwag masabi ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.

28. Kaya't sinabi namin, Mangyayari na pagka kanilang sasabihing gayon sa amin o sa aming lahi sa panahong darating, ay aming sasabihin, Narito ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga magulang, hindi upang sa handog na susunugin, ni sa hain: kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.

29. Malayo nawa sa amin na kami ay manghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pagtatayo ng isang dambana para sa handog na susunugin, para sa handog na harina, o para sa hain bukod sa dambana ng Panginoon nating Dios na nasa harap ng kaniyang tabernakulo.

Josue 22