1. Si Josue nga'y matanda at puspos ng mga taon; at sinabi ng Panginoon sa kaniya, Ikaw ay matanda at puspos ng mga taon, at may nalalabi pang totoong maraming lupain na aariin.
2. Ito ang lupain na nalalabi pa: ang lahat na lupain ng mga Filisteo, at ang lahat na Gessureo:
3. Mula sa Sihor na nasa tapat ng Egipto, hanggang sa hangganan ng Accaron na dakong hilagaan, na nabilang sa mga Cananeo: ang limang pangulo ng mga Filisteo, ang mga Gazeo, ang mga Asdodeo, ang mga Ascaloneo, ang mga Getheo, ang mga Accaronneo; gayon din ang mga Heveo,
4. Sa dakong timugan: ang lahat na lupain ng mga Cananeo, at ang Mehara, na nauukol sa mga Sidonio hanggang sa Aphec, na hangganan ng mga Amorrheo;
5. At ang lupain ng mga Gebalita at ang buong Libano, sa dakong sinisikatan ng araw, mula sa Baal-gad, sa ibaba ng bundok Hermon hanggang sa pasukan sa Hamat:
6. Ang lahat ng taga lupaing maburol mula sa Libano hanggang sa Misrephoth-maim, sa makatuwid baga'y lahat ng mga Sidonio; sila'y aking itataboy mula sa harap ng mga anak ni Israel: iyo lamang bahagihin sa Israel na pinakamana, gaya ng iniutos ko sa iyo.
7. Iyo ngang bahagihin ang lupaing ito na pinakamana sa siyam na lipi, at sa kalahating lipi ni Manases.
8. Sa kaniya'y tinanggap ng mga Rubenita at ng mga Gadita, ang kanilang mana, na ibinigay sa kanila ni Moises, sa dako roon ng Jordan na dakong silanganan gaya ng ibinigay sa kanila ni Moises na lingkod ng Panginoon;
9. Mula sa Aroer na nasa tabi ng libis ng Arnon, at ang bayan na nasa gitna ng libis, at ng buong kapatagan ng Medeba hanggang sa Dibon:
10. At ang lahat na bayan ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, na naghahari sa Hesbon hanggang sa hangganan ng mga anak ni Ammon;
11. At ang Galaad, at ang hangganan ng mga Gessureo at ng mga Maachateo at ang buong bundok ng Hermon, at ang buong Basan hanggang sa Salca;
12. Ang buong kaharian ni Og sa Basan, na naghari sa Astaroth at sa Edrei (na siyang naiwang labi sa mga Rephaim); sapagka't sinaktan ang mga ito ni Moises at mga itinaboy.
13. Gayon ma'y hindi itinaboy ng mga anak ni Israel ang mga Gessureo, ni ang mga Maachateo; kundi ang Gessureo at ang Maachateo ay tumahan sa gitna ng Israel hanggang sa araw na ito.