1. Ang salita ng Panginoon na dumating kay Joel na anak ni Pethuel.
2. Dinggin ninyo ito, ninyong mga matanda, at pakinggan ninyo, ninyong lahat na mananahan sa lupain. Nagkaroon baga nito sa inyong mga kaarawan o sa mga kaarawan ng inyong mga magulang?
3. Saysayin ninyo sa inyong mga anak, at saysayin ng inyong mga anak sa kanilang mga anak, at ng kanilang mga anak sa susunod na lahi.
4. Ang iniwan ng tipaklong, ay kinain ng balang; at ang iniwan ng balang ay kinain ng uod; at ang iniwan ng uod ay kinain ng kuliglig.
5. Magsibangon kayo, kayong mga manglalasing, at magsiiyak kayo; at manambitan kayo, kayong lahat na manginginom ng alak, dahil sa matamis na alak; sapagka't nahiwalay sa inyong bibig.
6. Sapagka't isang bansa ay sumampa sa aking lupain, malakas at walang bilang; ang kaniyang mga ngipin ay mga ngipin ng leon, at siya'y may bagang ng malaking leon.
7. Kaniyang iniwasak ang aking puno ng ubas, at ibinagsak ang aking puno ng igos: kaniyang tinalupang malinis at inihagis; ang mga sanga niyao'y naging maputi.
8. Managhoy ka na parang babaing nabibigkisan ng kayong magaspang dahil sa asawa ng kaniyang kabataan.